DOH OFFICIAL INARESTO SA ‘MAIP FOR SALE’

LUMUTANG ang panibagong alegasyon ng korupsyon sa Department of Health (DOH) matapos maaresto ang isang opisyal na itinalaga umano ni Health Secretary Teodoro Herbosa kaugnay ng umano’y pagbebenta ng guarantee letter o Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP).

Kinilala ang suspek na si Ronillo A. Bernal, Supervising Health Program Officer ng DOH sa ilalim ng Public-Private Partnership Program Office at Malasakit Program Office. Base sa mga inilabas na mugshot, nasampahan si Bernal ng kasong estafa sa ilalim ng Article 315 paragraph 2(A) ng Revised Penal Code.

Nadiskubre rin na dati nang natanggal sa DOH si Bernal matapos maimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa kaparehong modus. Ilang buwan matapos ang pagsibak, naibalik umano siya sa ahensya at nabigyan pa ng sensitibong tungkulin sa pamamagitan ng Department Personnel Order No. 2025-5685 na pirmado ni Herbosa. Sa kautusan, inilipat siya sa tanggapan ni Undersecretary Elmer Punzalan at itinalaga sa Committee on Anti-Red Tape Secretariat.

Nadakip si Bernal matapos umanong mabunyag ang bentahan ng MAIP. Sa inisyal na imbestigasyon, siya ang namamahala sa distribusyon ng MAIP sa ilang partner hospitals. Gayunman, ilang pasyente ang lumantad at nagreklamo na sinisingil sila ng “processing fee” kapalit ng apruba ng kanilang MAIP request. May ilan ding nag-ulat na hindi sila nabigyan ng assistance kung hindi sila nagbigay ng hinihinging halaga.

Ayon sa ilang health advocates, ang pag-aresto kay Bernal ay nagpapakita ng kahinaan sa internal controls ng DOH, partikular sa integridad at pamamahala ng MAIP program. Paulit-ulit nang nasasangkot ang MAIP sa isyu ng delay sa pondo, pamumulitika, at hindi nababayarang obligasyon sa mga pampubliko at pribadong ospital na umaabot sa bilyon-bilyong piso.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso habang hinihintay ang magiging pahayag ng DOH kaugnay ng isyu.

381

Related posts

Leave a Comment