DOH ‘palpak’ dahil tinipid sa budget – IBON; CAYETANO, SOTTO SINISI

SINA Senate President Vicente “Tito” Sotto III at House Speaker Alan Peter Cayetano ang tinumbok ng isang “independent research group” na mga ‘tunay na salarin’ kung bakit palpak ang Department of Health (DOH) sa trabaho nito, partikular ngayong mayroong novel corona virus acute respiratory disease (nCoV ARD) sa bansa.

Ayon sa IBON Foundation, ang badyet ng Department of Health (DOH) na P185.5 bilyon ay katumbas lamang ng 4.52% ng P4.1 trilyong badyet ng administrasyong Duterte para ngayong 2020 na ipinasa ng Kongreso.

Nitong 2019, ang P177.7 bilyong pondo ng DOH ay 4.85 porsiyento ang parte nito sa buong badyet ng nakalipas na taon, pahayag ng IBON.

Sabi ng grupo, makikitang tumaas sa P185.5 bilyon mula sa P177.7 bilyon ang badyet ng DOH, pero maliit pa rin ito kung titingnan sa buong P4.1 trilyong 2020 badyet.

Sa loob ng P185.5B, umabot lang sa P115.5 milyon ang inilaang pondo para sa “Epidemiology and Surveillance Program which monitors, investigates and analyzes disease outbreaks” mula sa P262.9 milyon noong 2019, patuloy ng grupo.

Bale, P147.4 milyon ang binawas ng Kongreso.

Ibinunyag din ng IBON na ultimong ang “Health Systems Strengthening Program” ng DOH ay hinayaan nina Sotto at Cayetano na matapyasan ng P6.6 bilyon mula P25.9 bilyon noong 2019 hanggang sa P19.3 bilyon para ngayong 2020.

“This [Health Systems Strengthening Program] is for ensuring a wide range of human health resources, including doctors, nurses, midwives, dentists, allied health professions, community health workers, social health workers and other health care providers and management and support personnel,” paalala ng IBON.

Nakalusot ang ganitong pagmamaliit ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa kalusugan, sapagkat lumilitaw na hindi ginamit nina Sotto at Cayetano ang kanilang kapangyarihan at liderato upang higitan pa ang 4.85% badyet ng DOH mula sa kabuuang badyet noong 2019.

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang badyet na todo-toong tinapyasan ang pondo sa kalusugan.

Ang malaking bawas sa pondo ng DOH ay patunay lamang na “mababa ang  pagpapahalaga” ng pamahalaan sa kalusugan ng mamamayang Filipino, ratsada ng IBON Foundation.

Ngayong mainit na isyu ang nCoV ARD sa bansa ay mistulang nilalatigo ng ilang senador at kongresista si DOH Secretary Francisco Duque III. NELSON S. BADILLA

163

Related posts

Leave a Comment