DOH: ROAD CRASH MAS MALAKING BANTA SA KALUSUGAN KAYSA PAPUTOK

MAS itinuturing ng Department of Health (DOH) na isang public health concern ang mga aksidente sa kalsada kaysa sa mga insidente ng paputok noong nagdaang holiday season.

Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, mas nakaaalarma ang dami ng road crash kumpara sa mga naputukan, lalo’t may mga nasawi hindi lamang sa banggaan kundi pati sa mga simpleng insidente ng pagtawid at pagkakasagasa.

Ani Herbosa, umabot sa 1,384 ang naitalang road crash injuries, mas mataas kaysa bilang ng mga biktima ng paputok.

Sa datos ng DOH, 7 hanggang 10 sa mga nasawi ay mga nakamotorsiklo, at anim sa mga ito ay walang suot na helmet.

Karamihan sa mga aksidente ay kinasangkutan ng motorsiklo at tricycle o mga dalawa hanggang tatlong gulong na sasakyan.

Lumabas din na ang karamihan sa mga biktima ay lalaking edad 15 hanggang 29, na bukod sa walang helmet ay nakainom pa ng alak nang mangyari ang aksidente.

Binigyang-diin ni Herbosa na ang road safety ay hindi lamang responsibilidad ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Paliwanag niya, kapag may aksidente sa kalsada, diretso sa ospital ang mga biktima—kaya malinaw na usaping pangkalusugan na ito na dapat tutukan ng buong pamahalaan.

(JULIET PACOT)

30

Related posts

Leave a Comment