DOJ, BI: WALANG KUMPIRMASYON NA NAKATAKAS NA SI ATONG ANG

WALA pang kumpirmadong impormasyon na nakalabas na ng Pilipinas ang negosyanteng si Atong Ang, na itinuturing na most wanted kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) spokesperson Atty. Polo Martinez, wala pa silang natatanggap na opisyal na ulat na umalis na ng bansa si Ang, sa kabila ng mga kumakalat na balita na umano’y nakatakas na ito.

“Sa ngayon, wala pa kaming kumpirmasyon na nakalabas na ng Pilipinas si Atong Ang,” ani Martinez.

Ang pahayag ay kasunod ng alegasyon ng isang whistleblower na naniniwala umanong nakaalis na ng bansa si Ang noong Disyembre ng nakaraang taon.

Kinumpirma rin ng Bureau of Immigration (BI) na wala sa kanilang records ng pagbiyahe palabas ng bansa ni Ang kamakailan.

Matatandaang may mga warrant of arrest si Ang mula sa mga korte sa Sta. Cruz, Laguna at Lipa, Batangas, kaugnay ng mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention, na kapwa walang piyansa, matapos itong iturong utak sa pagkawala ng ilang sabungero.

Nilinaw rin ng National Bureau of Investigation (NBI) na wala pa silang natatanggap na malinaw at beripikadong impormasyon na nakalabas na ng bansa si Ang.

Dagdag pa ng NBI, wala rin silang nakukuhang impormasyon na gumamit si Ang ng tinatawag na “backdoor exit.”

Gayunman, tuloy-tuloy ang masusing imbestigasyon at manhunt operation ng NBI, kung saan halos lahat ng yunit kabilang ang regional, district at Manila-based ay nakatuon sa paghahanap sa negosyante.

Bagama’t hindi pa nagtatakda ng tiyak na petsa kung kailan maaaresto ang suspek, tiniyak ng NBI na hindi masasayang ang operasyon dahil nakabatay ito sa kapani-paniwala at beripikadong impormasyon.

Ayon pa sa NBI, may mga bagong lumalabas na lead at nananatiling mataas ang pagtutok sa kaso ng isa sa mga most wanted person sa bansa.

(JULIET PACOT/CHAI JULIAN)

48

Related posts

Leave a Comment