DOJ HANDANG ISAILALIM SA WPP SI ZALDY CO

HANDA umanong ikonsidera ng Department of Justice (DOJ) na ilagay sa Witness Protection Program (WPP) si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co—kung hihilingin niya mismo sa pamahalaan.

Ito ang nilinaw ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez kasunod ng pasabog na video ni Co sa social media kung saan binanatan niya sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Budget Secretary Amenah Pangandaman, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Pero ayon kay Martinez, kailangan personal na makipag-ugnayan si Co para maproseso ang anumang request para sa proteksyon. Giit pa ng DOJ, hindi sila maaaring magsimula ng imbestigasyon base lamang sa video na inilabas ng dating kongresista.

Sa ngayon, maging ang DOJ ay walang ideya kung saan nagtatago si Co, na umaming may banta umano sa kanyang buhay. Ayon sa rebelasyon nito, matapos ang SONA ni Pangulong Marcos ay plano na sana niyang umuwi sa Pilipinas, pero sinabihan umano siya ni Romualdez—na nag-utos daw mula sa Pangulo—na huwag nang bumalik.

Dito na raw nagsimula ang labis niyang pangamba para sa kanyang seguridad.

Samantala, sinabi ni Martinez na maaari ring kanselahin ang pasaporte ni Co sakaling may maisampang kaso laban sa kanya at magmatigas itong hindi pa rin umuwi ng bansa.

(JULIET PACOT)

5

Related posts

Leave a Comment