BINASAG na ng nagbitiw na Ako Bicol Rep. Zaldy Co ang kanyang pananahimik kaugnay ng mga alegasyong konektado sa umano’y flood control anomaly.
Sa inilabas niyang video nitong Biyernes, Nobyembre 14, direkta niyang inakusahan sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez, at ilang miyembro ng gabinete — kabilang si Budget Secretary Amenah Pangandaman — na sangkot umano sa P100-bilyong insertions sa national budget.
Ayon kay Co, nagsimula ang lahat nang tawagan umano siya ni Pangandaman sa gitna ng Bicameral Conference Committee discussions noong nakaraang taon. Ipinag-utos daw ng Pangulo ang pagsingit ng P100 bilyong proyekto sa BICAM — bagay na kinumpirma raw niya at agad na inireport kay Romualdez. Tugon umano ng dating Speaker: “What the President wants, he gets.”
Ibinunyag din ni Co na mula sa orihinal na P100 bilyon na ipapasok sana sa 2025 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), tinapyasan ito sa P50 bilyon. Paliwanag niya, kapag itinulak ang buong halaga, magiging mas malaki umano ang pondo ng DPWH kaysa Department of Education — isang sitwasyong maaaring lumabag sa Konstitusyon.
Kasabay nito, inilabas niya ang listahan umano ng mga proyektong iniutos ni Pangulong Marcos Jr. na isingit sa 2025 budget — na ang kabuuang halaga ay umaabot pa rin sa P100 bilyon.
Sa six-minute video na may markang “Part 1,” na inilabas sa pamamagitan ng kanyang dating staff sa Kamara, iginiit ni Co na hindi na siya mananahimik at sisimulan na ang serye ng ibubunyag tungkol sa mga nangyayari sa loob ng pamahalaan.
“Hindi na ako mananahimik. Ilalabas ko ang katotohanan,” ani Co — na tila nagbabadya ng mas marami pang pasabog sa mga susunod na araw.
4
