NANAWAGAN kahapon ang Department of Justice (DOJ) kay dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co at 15 pang akusado na sumuko na kaugnay ng flood control anomaly sa Oriental Mindoro.
Inilabas ng DOJ ang panawagan sa pamamagitan ng isang briefing sa loob ng kagawaran, kasabay ng pagdistansiya nito sa anumang usapin tungkol sa kinaroroonan ng dating kongresista at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa DOJ, pansamantala silang hindi nagbibigay ng detalyadong impormasyon upang hindi maapektuhan ang operasyon ng intelligence network na nagsasagawa ng pagtunton sa mga personalidad na may kaso. Gayunman, tiniyak ni DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez na nagpapatuloy ang kanilang monitoring at koordinasyon sa mga attached agencies para mapabilis ang paghahanap kay Co.
Batay sa pinakahuling ulat ng Bureau of Immigration, sinabi ni Martinez na nagtungo si Co sa Singapore noong August 6, 2025.
Nahaharap si Co at 15 pang akusado sa mga kasong malversation of public funds through falsification of public documents, perjury, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
(JULIET PACOT)
20
