MAILAP pa rin ang hustisya sa mga biktima ng war on drugs ng nakaraang administrasyon dahil walo pa lamang sa mga pulis na nagpatupad ng madugong “Oplan Tokhang” ang nasentensyahan at nakakulong.
Ito ang isa sa nilalaman ng privilege speech ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña kaugnay sa libu-libong napatay sa war on drugs kabilang na ang mga paslit na sina Myka Upina, 3 taong gulang, Danica Mae Garcia, 5-anyos at isang taong gulang na si Skyler Abatayo.
“Kasama ng mga batang ito ang tatlong daang libong taong naaresto at labing dalawa hanggang tatlumpung-libong pinatay. Subalit sa mga kasong ito, hanggang ngayon, hindi man lang mabilang sa mga daliri ang mga nahahatulan sa korte. Walo pa lang ang na-convict,” ani Cendaña.
Hindi na nagbigay ng detalye ang mambabatas ukol sa mga pulis na nasentensyahan subalit base sa record, tatlong pulis ang pinatawan ng habambuhay na pagkabilanggo dahil sa pagpatay sa binatilyong si Kian delos Santos at 2 naman sa kaso nina Carl Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman sa Caloocan City noong 2017.
Sinabi ni Cendaña, nakapanlulumo na kailangang kumapit pa ang mga biktima ng war on drugs sa International Criminal Court (ICC) para makamit ang katarungan at mapanagot si dating pangulong Rodrigo Duterte at mga kasabwat nito sa pagpapatupad ng madugong war on drugs.
Inungkat din ni Cendaña ang pahayag ng noo’y hepe ng pambansang pulisya na si Sen. Bato dela Rosa na “shit happens” nang madamay ang mga inosenteng bata sa police operations na hindi katanggap-tanggap aniya hanggang ngayon.
Gayunpaman, sa pamamagitan ng ICC, nakakakita ng konting pag-asa ang mga biktima ng war on drugs lalo pa’t posibleng maaresto rin at makulong sa The Hague si Dela Rosa, tulad ni Duterte.
“Sa bato-bato pik, talo ng papel ang bato. At kapag lumabas na ang papel na huhuli sa bato, panalo ang katarungan. Panalo ang taumbayan. Panalo ang mga patuloy na lumalaban at ang mga sinabi nilang “nanlaban,” ayon sa mambabatas.
“Shit happens?” This time, Mr. Speaker and my dear colleagues, “justice happens,” dagdag pa nito.
(BERNARD TAGUINOD)
25
