DOJ kumunsulta sa prison expert PAMAMALAKAD NI BUCOR CHIEF BANTAG NAPUNA

MATAPOS tukuyin na isa sa problematic agency ang Bureau of Corrections (BuCOR) at ang kontrobersyang kinasasangkutan nito ay nakasisira sa imahe ng bansa, kumonsulta na si Justice Secretary Crispin Remulla sa isang international prison reform expert para sa pagbalangkas ng plano sa pagpapatupad ng reporma sa correction system sa bansa.

Ang pakikipagpulong ni Remulla kay Prof. Raymund Narag, dating inmate na nakulong ng 7 taon subalit ngayon ay associate professor na Southern Illinois University ay tila dagok naman sa pamumuno ni BuCor chief Gerald Bantag.

Sinabi ni Atty. Nico Clavano ng Office of the Secretary na nais ni Remulla na iayos ang correction system sa bansa sa naging pakikipagpulong nito kay Narag.

“It is uncertain in what capacity Prof. Narag will come in as but the two shared opinions and compared notes on the changes they seek to make,” nauna nang pahayag ni Clavano.

Si Bantag ay naitalaga bilang BuCor noong 2019 subalit ilang kontrobersya sa pamumuno sa ahensya ang kinasangkutan nito.

Ayon sa mga BuCor official na tumangging magpabanggit ng pangalan, sa loob ng 3 taon ay walang pagbabago ang correctional facility sa ilalim ni Bantag.

Makailang beses din na naharap sa kontrobersiya si Bantag kung saan idineklara pa itong persona non grata sa Muntinlupa City matapos niyang harangan ng mga pader ang ilang komunidad sa lungsod at isinara sa motorista ang isang kalsada bilang dagdag seguridad sa New Bilibid Prison (NBP) nang walang permiso mula sa lokal na pamahalaan at nagdulot ng malaking perwisyo sa mga residente.

Kinuwestyon din ang Joint Venture Agreement (JVA) na pinasok ni Bantag sa pagitan ng Agua Tierra Oro Mina Development Corporation(ATOM) para sa paglipat ng prison facilities mula sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City sa Nueva Ecija nang walang konsultasyon at bidding process. Ang nasabing kasunduan ay pinasuspinde ng DoJ.

Hindi rin umano kinonsulta noon ni Bantag si Secretary Menardo Guevarra nang payagan nitong mainterview ng isang broadcast network sa loob ng NBP ang nakakulong na si Ret Gen Jovito Palparan na isang administrative case.

Isinasangkot din si Bantag sa magkakasunod na misteryosong pagkamatay sa COVID-19 ng 8 high profile inmates sa pagitan ng May hanggang July 2020.

Una nang sinabi ni dating Justice Secretary Leila de Lima na kilalang berdugo si Bantag matapos ang pagsabog ng granada sa 10 inmates nang ito ay hepe pa ng Paranaque Jail at kilala rin umanong nagpapahirap sa inmates ng Manila City Jail at Bilibid. (AM)

195

Related posts

Leave a Comment