PINAKIKILOS ng isang senador ang Department of Justice (DOJ) Office of Cybercrime at ang Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group upang maagapan ang mga ulat na may mga mag-aaral na nagsagawa ng “Christmas sale” ng malalaswang video at larawan nila upang makalikom ng panustos sa distance learning.
Giit ni Senador Sherwin Gatchalian, kailangang kumilos at sugpuin ang mga aktibidad na ito sa lalong madaling panahon.
Aniya, sa isang ulat ng The Philippine Online Student Tambayan (POST) na may mga mag-aaral na ginagamit ang mga hashtag na #AlterPH, #AlterPinay, at #AlterPhilippines sa Twitter upang makabenta ng malalaswang larawan at video.
Ayon pa sa ulat, ginagamit ng mga mag-aaral ang kanilang kinita upang makabili ng gadgets at magbayad ng internet connection.
May ilang nagbebenta pa umano ng “Christmas bundle” sa halagang P100,000 hanggang P150,000 kapalit ng mga larawan na minsan ay ipinapakita ang mukha ng mga nagbebenta.
Nabatid na mula Marso 1 hanggang Mayo 24 noong nakaraang taon, may halos 279,166 kaso ng online sexual exploitation of children (OSEC) ang naitala sa Metro Manila, mas mataas ng halos 264 porsyento mula sa 76,561 kasong naitala sa parehong mga petsa noong nakaraaang taon.
“Nakakabahalang dahil sa mga suliraning dinudulot ng pandemya, ang ating mga kabataan ay nahaharap sa matinding panganib na maging biktima ng pang-aabuso at karahasan.
Pinagsasamantalahan ng mga masasamang-loob ang pangangailangan ng ating mga mag-aaral at dapat itong labanan ng ating pamahalaan,” ayon sa chairman ng Senate committee on basic education, arts and culture.
Isinusulong din ni Gatchalian ang mas maigting na pagsugpo sa trafficking sa ilalim ng Senate Bill No. 1794 na maaaring pahintulutan ng mga regional trial court ang law enforcers na magsagawa ng surveillance sa mga pinaghihinalaang sangkot sa trafficking.
Sa ilalim din ng panukalang batas, ang mga internet service provider (ISP) ay magkakaroon ng tungkulin na harangin ang anomang uri ng child pornography. (NOEL ABUEL)
179
