DOJ PROBE RESULT SA ONGPIN DRUG CASE, WELCOME SA PNP

BUKAS ang Philippine National Police (PNP) sa pinakahuling development sa drug complaint na inihain laban kay Julian Ongpin, ang ‘person of interest’ sa pagkamatay ng visual artist na si Bree Jonson kasunod ng imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ).

Tinapos na ng DOJ ang imbestigasyon nito sa reklamo na may kinalaman sa ilegal na droga laban kay Ongpin na anak ng multi-billionaire businessman na si Roberto Ongpin, at naisumite na para sa resolusyon dahil wala na rin umanong inihaing na bagong usaping natalakay hinggil dito.

“Sa ngayon, hintayin na lamang natin ang magiging desisyon sa isinampang reklamo laban kay Julian Ongpin. Buo ang ating tiwala na madedesisyunan nang tama ang reklamong ito laban sa kanya,” wika ni PNP chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar.

“We also assure the public that the PNP will continuously cooperate with the NBI in the investigation into the death of Bree Jonson because we also would like to know the truth on this case,” ayon pa sa heneral.

Nag-ugat ang reklamo na may kinalaman sa ilegal na droga laban kay Ongpin matapos makumpiska ng mga awtoridad ang 12.6 gramo ng cocaine sa loob ng silid kung saan sila naka-check-in ni Jonson sa isang beach resort sa La Union.

Dito rin natagpuang wala nang buhay si Jonson noong Setyembre 18 na naihatid na sa kanyang huling hantungan sa Davao City noong isang linggo.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso sa pangunguna ng National Bureau of Investigation na nagsagawa rin ng kanilang autopsy sa labi ni Jonson upang malaman ang sanhi ng pagkamatay ng biktima. (JESSE KABEL)

143

Related posts

Leave a Comment