DOLE, P900-M ANG IBINIGAY SA 180K OBRERO

UMABOT na sa P900 milyon ang naibigay ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa 180,000 obrero na nawalan ng trabaho, nasuspinde o nabago ang estilo o oras sa

pagtatrabaho simula nang ipatupad ang “enhanced community quarantine” (ECQ) sa Luzon at iba pang mga lugar sa Visayas at Mindanao kaugnay ng novel coronavirus- 2019 (COVID-19).
Nakatanggap ng tig-P5,000 ang bawat obrero (regular at kontraktuwal) mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Nakabatay ang ayudang pinansyal sa COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) para sa mga regular na manggagawa at Tulong Panghanapbuhay sa programang Displaced/Disadvantaged Workers Program – Barangay Ko, Bahay ko (TUPAD-BKBK) para sa hindi regular o kontraktuwal na mga manggagawa.

Batay sa rekord ng DOLE, P1.61 bilyon na lang ang natitirang pondo ng kagawaran na ibibigay sa mga manggagawa habang pinaiiral ang ECQ sa Luzon at community quarantine sa iba’t ibang lalawigan sa Visayas at Mindanao.

Ayon kay DOLE Assistant Secretary Dominique Tutay, aabot lang sa mahigit 322,000 obrero ang mabibigyan ng tig-P5,000 mula sa natitirang P1.61 bilyon.

Matatandaang sinabi ni Bello noong nagsisimula pa lang ang implementasyon ng ECQ na aabot lang sa 500,000 manggagawa ang maaapektuhan ng ECQ at CQ sa buong bansa na

pinalagan ng Partido Manggagawa (PM) at Federation of Free Workers (FFW), sapagkat naniniwala ang dalawang samahan na mali ang bilang na inilabas ng kalihim sa media.
Ngayong Abril 13, inanunsiyo ni Bello na 1,048,649 manggagawa ang apektado sa pagsasara ng maraming kumpanya mula Luzon hanggang Mindanao.

Ang naturang higit isang milyong manggagawa ay mula sa “formal sector” (regular ang trabaho).

Iba pa ang mga manggagawang pasok sa “informal sector” (hindi regular) na ayon kay Bello ay “close to quarter of a million” ngayong Abril 13.

Kaya, inihayag ni Bello na kulang na kulang ang pondo ng DOLE upang mabigyan ng P5,000 ang lahat ng manggagawang nawalan ng sahod sa panahon ng ECQ at CQ.

Ngunit, iginiit ni Renato Magtubo ng PM na “mayroong sapat na pondo” ang administrasyong Duterte para sa suliraning kinakaharap ng bansa.

Idiniin ni Magtubo na napakaliit na porsiyento lang ng P4.1 trilyong badyet ng administrasyong Duterte para sa 2020 ang kabuuang halaga na ipamimigay sa lahat ng mga manggagawa sa bansa.

Sinabi rin ni Atty. Jose Sonny Matula ng FFW na lahat ng manggagawa ay dapat ayudahan ng DOLE. NELSON S. BADILLA

136

Related posts

Leave a Comment