Para hanapin ang missing sabungeros PHIL. NAVY HANDANG GALUGARIN ANG TAAL LAKE

INIHAYAG ng pamunuan ng Philippine Navy na nakahanda ang kanilang Naval Special Operation Group anomang oras, para sisirin at galugarin ang lalim ng Taal Lake para hanapin ang nawawalang mga sabungero na sinasabing karamihan ay inilubog sa nasabing lawa.

Ito ay kasunod ng naging pahayag ng Department of Justice na posibleng ngayong linggo ay pasimulan ang pagsisid sa Taal Lake subalit hindi muna umano makasasama ang mga technical diver ng Japan na plano nilang hingian ng tulong.

Ayon kay DOJ Secretary Crispin Remulla, hindi pa makasasama sa search and retrieval ang grupo mula sa Japan government dahil noong nakalipas na linggo lamang ipinadala ang letter-request subalit wala pa umanong tugon hinggil dito.

Una nang sinabi ni Remulla na hiniling na sa Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy na tumulong ang kanilang technical divers at ang iba pang ahensya ng pamahalaan.

Kaugnay nito, inihayag ni Navy Public Affair Office Chief, Capt. John Percie Alcos: “We are still waiting for the official request or for assistance from the Department of Justice. The Naval Special Operations Group is a Naval Special Operations Command’s elite unit of the Philippine Navy. They can be dispatched anytime, anywhere, any place.”

Kailangan lamang umano na masuri ang lugar. 

Ayon naman kay Navy Spokesperson on West Philippine Sea, Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, isang Navy Seal, karaniwang nagtatalaga sila ng tatlong team para sa magsagawa ng technical diving operations.

Binubuo ito ng apat na Navy Seal, apat na technical divers, subalit posibleng gamitan muna ng surveillance cameras at underwater o mga submersible drones ang paggalugad sa kalaliman ng lawa dahil baka hindi na kailanganin pa ang divers sa pag-aahon ng mga bangkay.

Nabatid na target na pasimulan ang search and retrieval operation sa  isang fishpond na pinauupahan ng isa sa mga suspek na tinutukoy sa imbestigasyon, na magsisilbing ground zero sa paghahanap .

“Ang basic natin, we want to map it out and look at the conditions so we can plan how to go about it.”

Isa sa mga pangamba sa pagsisid ang posibilidad na biglang pagputok ng Taal Volcano.

Ayon kay Rear Adm Trinidad, ngayong mayroong posibilidad ng eruption sa Taal Volcano, mayroon pang ibang mga paraan kung paano marerekober o mahahanap ang labi ng mga sabungero o kahit ano pang target sa ilalim ng katubigan.

Kaya bago pa magpadala ng technical divers ay maaari munang magbaba ng underwater drones sa Taal Lake upang maberipika at ma-check kung gaano kaligtas na sisirin ang natuwang lawa.

Nabatid na may mga alternatibo ring sites na posibleng puntahan kung saan maaaring matagpuan ang nawawalang mga sabungero.

(JESSE RUIZ)

32

Related posts

Leave a Comment