DOLOMITE BEACH PROJECT BUBUSISIIN NA SA KAMARA

SISIMULAN na ng House Committee on Public Accounts sa susunod na linggo ang imbestigasyon hinggil sa kontrobersyal na Manila Bay Dolomite Beach Project ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na isinagawa noong nakaraang administrasyon.

Ito ay kinumpirma ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, chairman ng nasabing komite, kasunod ng mga ulat na ang proyekto na nagkakahalaga ng P364 milyon ay nakapagpalala umano ng pagbaha sa lungsod ng Maynila.

“The House Public Accounts Committee will begin proceedings on the Manila Bay Dolomite Beach Project in the week of November 17, 2025,” ani Ridon sa isang pahayag kahapon.

Ang proyekto ay sinimulan ng DENR sa ilalim ni dating Secretary Roy Cimatu noong Enero 2019, at binuksan sa publiko noong Enero 2021 sa kasagsagan ng pandemya. Bahagi ng proyekto ang pagtatambak ng dinurog na dolomite mula Cebu sa baybayin ng Manila Bay.

Umani ito ng matinding batikos matapos matabunan ng basura at maanod ang dolomite nang manalasa ang Bagyong Ulysses noong Nobyembre 2020.

Ayon kay Ridon, ang unang pagdinig ay tututok sa pangangailangan at legal na basehan ng proyekto batay sa Manila Bay Sustainable Development Master Plan at sa Supreme Court Continuing Mandamus para sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

Kasama rin sa sisiyasatin ng komite ang epekto ng Dolomite Beach sa pagbaha sa mga lugar ng Ermita at Malate, kabilang ang mga kalapit na kalsada tulad ng Padre Faura, Remedios, at Estero de San Antonio Abad.

Dagdag pa ni Ridon, pag-aaralan din ng komite ang mga alternatibong solusyon at interbensyon upang higit pang mapabuti ang kalinisan at kalidad ng tubig sa Manila Bay, alinsunod sa mandato ng Korte Suprema na gawing angkop ito para sa paglangoy at iba pang recreational activities.

Iimbitahan sa pagdinig ang mga kinatawan mula sa Department of Economy, Planning and Development (DepDev), Department of Public Works and Highways (DPWH), Metro Manila Development Authority (MMDA), DENR, at Local Government Unit (LGU) ng Maynila.

(BERNARD TAGUINOD)

141

Related posts

Leave a Comment