(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
UMAPELA ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa administrasyong Marcos na pabilisin ang pagpapanagot sa mga sangkot sa umano’y anomalya sa mga proyekto ng flood control sa bansa.
Ayon sa grupo, magagawa lamang ito kung aalisan ng kapangyarihan, impluwensya at access sa pondo ang mga opisyal at politikong nasasangkot.
“Nasa poder pa rin ang mga balyenang politiko na nasasangkot sa iskandalo. May pera at kapangyarihan na maaaring gamitin laban sa katotohanan,” pahayag ni Atty. Ariel Inton, pangulo ng LCSP.
Dagdag pa ni Inton, nauunawaan ng grupo ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “We would rather do it right than quick”, ngunit aniya, “inip na ang mga tao” sa mabagal na pag-usad ng imbestigasyon.
“Heto ang pinupunto ng mga tao, Mr. President — hindi lang ang bagal, kundi ang panahon na maaaring magamit ng mga makapangyarihan para hindi sila makasuhan,” ani Inton.
“At dito sa puntong ito, pwedeng gawin nang mabilis — tanggalan sila ng impluwensya, kapangyarihan, at pera na maaaring magamit laban sa katotohanan. Kapag nagawa na iyan, saka gawin ito nang tama upang matiyak ang conviction ng mga sangkot, kasama ang mga mastermind,” dagdag pa niya.
Nauna rito, sinagot ng Pangulo ang tanong kung kailan maisasampa ang mga kaso laban sa mga dawit sa flood control scam. Ayon sa kanya, mas mainam na tiyaking maayos ang proseso upang hindi maabswelto ang mga kakasuhan, sa halip na madaliin ang pagsasampa.
Subalit giit ng LCSP, ang kabagalan ng proseso ang siyang nagpapainit sa damdamin ng publiko. Maging ilang negosyante at mamamayan ay nababagalan umano sa takbo ng imbestigasyon.
Sa kasalukuyan, nakatutok pa lamang sa pangangalap ng ebidensya at pagdinig sa mga resource persons ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), na siyang inatasan ng Pangulo sa ilalim ng Executive Order No. 94 upang siyasatin ang mga anomalya.
Matapos nito, irerekomenda ng ICI sa Department of Justice (DOJ) kung sino ang dapat kasuhan. Pagkatapos ay magsasagawa pa ng preliminary investigation bago maisampa sa korte ang mga kaso.
Ipinaliwanag ng LCSP na ayon sa Rule 112, Section 1 ng Revised Rules of Criminal Procedure, ang preliminary investigation ay isang proseso upang matukoy kung may sapat na batayan para paniwalaang naganap ang krimen at kung ang respondent ay “probably guilty” at dapat litisin sa hukuman.
Giit ni Inton, dahil sa tagal ng proseso, lalo lamang tumitindi ang pagkadismaya ng taumbayan.
“With due respect, Mr. President, do it quickly and rightly. It can be done both,” pagtatapos ni Inton.
76
