MGA ka-Saksi, isang maligaya at manigong bagong taon sa lahat!
Bago matapos ang 2021, may aginaldo si Pangulong Digong Duterte sa overseas Filipino workers sa buong mundo.
Mismong sa paggunita ng kamatayan ni Gat Jose Rizal noong Dec. 30, nilagdaan ng Pangulo sa Palasyo ng Malakanyang ang batas na lilikha sa Department of Migrant Workers o ang Republic Act No. 11641 na siyang nakatutok sa mga concern at interes ng tinaguriang “modern day heroes”.
Ito’y pagsasakatuparan ng naging pangako ni Pang. Duterte noong 2016 elections na magtatatag ng isang departamento para sa higit sampung milyong OFWs.
Sa bagong DoMW, mabibigyan ng atensyon ng iba’t ibang ahensyang nakatoka sa mga problema ng OFWs at matutuldukan na ang pagde-dribble at pasahan ng bola sa kanilang mga hinaing.
Ang DoMW ang magsisilbing lead agency para sa implementasyon ng mga polisiya, plano at programa na tiyak na magbibigay ng proteksyon, pagsusulong ng interes, epektibong reintegration programs at mabilis na aksyon sa hinaing ng mga OFW.
Binibigyan din ng kapangyarihan ang DoMW na iregulate ang mga private recruitment agency para maiwasan ang panloloko ng mga illegal recruiter at human traffickers.
Nakasulat din sa batas ang pagbuo ng Management Information System (MIS) na magsisilbing rehistro at database ng lahat ng OFWs, may 24/7 Emergency Response and Action Center Unit (ERACU), kasama na ang media at social media monitoring center para sa kagyat na pagtugon sa emergency situation ng mga bagong bayani.
Nasa mandato rin ng DoMW ang pagbuo ng Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) Fund na gagamitin sa legal battles at iba pang uri ng tulong sa modern day heroes.
Ang AKSYON Fund ay hiwalay sa kasalukuyang Assistance to Nationals Fund at Legal Assistance Fund sa ilalim ng Department of Foreign Affairs.
Para maging matagumpay ang mandato, ang DoMW ay siyang hahawak ng mga gawain at kapangyarihan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA); Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs ng DFA; Philippine Overseas Labor Office (POLO); International Labor Affairs Bureau, National Maritime Polytechnic ng Department of Labor and Employment; National Reintegration Center for OFWs ng Overseas Workers Welfare Administration; at Office of the Social Welfare Attaché ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang OWWA ay magpapatuloy sa kanyang function at magiging attached agency ng DoMW para sa koordinasyon ng mga policy and programs nito.
Dumaan sa mabusising proseso ang DoMW sa Senado matapos itong ipasa ng Kamara. Ang Senate version ni Senador Bong Go ang sinertipikahang urgent measure ng Pangulo noon pang December 2020 matapos ang ilang beses na apela sa mabilisang aprubal ng Kongreso sa nagdaang mga State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo.
Nilagdaan din ni PRRD ang Executive Order No. 154 noong December 7, 2021 para sa pagtatapos ng first hospital sa mga OFW sa City of San Fernando, Pampanga.
Todo pasasalamat naman ang AKOOFW party-list kina Pangulong Duterte at Sen. Go sa pagmamahal at malasakit nila sa lahat ng Kabayaning OFWs at kanilang mga pamilya sa pagtatatag ng DoMW.
Sinabi ni Dok Chie Umandap na si Sen. Go ang tunay na naging susi para maisakatuparan ang pagbuo ng isang ahensya para sa mga OFW.
Maraming salamat sa pagkilala sa ginampanan ng AKOOFW at iba pang organisasyon sa pagbalangkas ng Department of Migrant Workers Act.
Congratulations sa lahat ng mga Kabayaning OFWs sa bagong tahanan na magsisilbing takbuhan at kadluan ng tulong na inaasahang magiging mas mabilis, maayos at maaasahang aksyon o serbisyo ng gobyerno.
Mabuhay at saludo ako sa mga bagong bayani sa buong mundo!!
Para sa inyong komento, suhestyon at reaksyon, mag-send lang po sa dzrh21@gmail.com.
196
