ISANG malinaw na kapalpakan ng mga pulis at tagausig ang pagkakabasura ng kasong drug trafficking na isinampa laban kay Kerwin Espinosa, isang aminadong drug lord na ginamit ng pamahalaan bilang testigo kontra kay Senador Leila De Lima para sa kahalintulad na asunto.
Aminadong drug lord si Kerwin Espinosa na nagsusuplay ng droga sa Eastern Visayas, batay mismo sa kanyang mga sinumpaang testimonya sa mga pagdinig sa Kamara at Senado. Pero sa kabila nito, minabuti ng Makati Regional Trial Court na i-dismiss ang kaso laban kay Espinosa at iba pa kaugnay ng isang buy-bust operation taong 2013 sa Makati kung saan nakuhanan ang mga suspek ng hindi bababa sa 20 kilo ng shabu.
Ang dahilan – bigo ang prosekusyon na patunayan ang mga paratang batay sa akusasyon laban sa mga suspek. Sa madaling salita, pinabayaan lamang – kung hindi man inilaglag ang kaso.
Hindi pipitsuging drug lords sina Espinosa at iba pang kapwa akusadong sina Wu Tuan Yuan alyas Peter Co, Lovely Impal at Marcelo Adorco. Sa pagkakabasura ng kaso, hindi malayong nagdiriwang na ngayon ang sindikatong tumitiba sa kalakalan ng droga.
Ilang kaso na ba ang ibinasura ng korte dahil sa palpak na asuntong isinampa ng mga pulis at kapabayaan ng tagausig?
Sa nangyaring ito, lalong nagmukhang katawa-tawa ang giyera ng administrasyong Duterte kontra droga. Pero sa likod ng pangungutya ay posibleng isang kasunduang ang nabuo bago pa man lumabas ang hatol ng husgado.
Posible kayang ito na ang kabayaran ng pagtestigo ni Espinosa sa isa sa mga pinakamasugid na kritiko ng Pangulo at ng madugong giyera ng administrasyong Duterte kontra droga?
O sadyang palpak lang ang mga pulis at tagausig?
183
