CLICKBAIT ni JO BARLIZO
PAHINGA raw muna si Tourism Secretary Christina Frasco matapos ang kontrobersyal nilang promotional video.
Kaya mula sa “Love the Philippines” eh leave the Philippines muna siya.
Iniisip siguro ng kalihim ay matatahimik ang mga kritiko kaugnay sa pumalpak nitong tourism branding campaign.
Pagkatapos ngang mabugbog nang husto nung ale ay inanunsyo na naghain ito ng LOA o leave of absence na epektibo mula kahapon (July 13).
Kantyaw tuloy ng mga netizen ay ‘weak’ daw pala si Frasco. Parang gusto kasi niyang takasan ang mga batikos na hindi pa rin nahihinto dahil sa malaking kahihiyang dinulot sa bansa ng paggamit ng stock footage ng mga photo at video na hindi naman totoong mga tanawin sa Pilipinas.
Ang paalam ng kalihim ay magbabakasyon sila ng kanyang pamilya sa ibang bansa. Aba teka, akala ko ba Love the Philippines, bakit abroad?
Sabagay, sabi nga nung BFF ko e, ang totoo dyan ay, “Love the Philippines when it’s convenient and leave the Philippines when it’s inconvenient”.
*Para kanino ang survey?*
ANO nga ba ang layunin ng survey? Kung may gustong ipaalam, aba okey ‘yan. Pero kung motibo ay bilugin o bolahin ang mga tao, ito ay lihis na sa totoong pakay.
Nasabi ko ‘yan dahil may pag-aaral na sumulpot matapos bumagal ang inflation – ang antas o bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo.
Bumagal ang inflation sa 5.4% nitong Hunyo, mas mababa sa 6.1% noong Mayo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa pag-aaral ng Synergy, lumabas na 36% o apat sa 10 Pinoy ay kinakapos para tustusan ang pangangailangan base sa kanilang kinikita kada buwan.
Higpit ng sinturon ang solusyon upang mapagdugtong ang dulo. Ang salarin dito, ang pagtaas ng mga presyo.
Kung bibigyan ng atensyon at titiyaking malapatan ng solusyon ang mga dahilan, tulad ng inflation, ang kondisyon at sitwasyon ng mga Pinoy, kahit bahagya man lang ay gaganda ang kalagayan ng publiko.
Kaso, hanggang guhit sa papel at tala lang ata sa behikulo ng impormasyon, tulad ng social media, ang tumpak, at hindi sa tunay na nangyayari.
Bakit hindi tanggapin ng pamahalaan ang realidad. ‘Wag na kasi magmaang-maangan at pagtakpan ang katotohanan.
Itsapwera muna natin ang survey. Sa totoo lang, maraming Pinoy ay inuunang gastusan ang pagkain. Sa ilalaman lang ng tiyan ay nagtitipid na para hindi pumalya ang isusubo sa mga susunod na kainan.
Ito ang tunay na senaryong lantad at tunay na survey na hindi na kailangan kabitan ng porsyento at bilang dahil lantaran nang nagaganap.
Ito ang solidong basehan, tunay na datos at hindi na kailangan ang pagsasaliksik para makagawa ang mga nasa gobyerno ng tamang desisyon na hindi inaasa sa pala-palagay.
450 