DOTr, LTFRB SABLAY SA LIBRENG SAKAY

MISTULANG hindi kayang gastusin ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pondong ibinigay sa mga ito upang tulungan ang mga mananakay o commuters.

Ito ang lumabas sa pagdinig ng House committee on transportation na pinamumunuan ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento kaugnay ng pondong ibinigay sa mga ito para sa Service Contracting o libreng sakay.

Ayon kay Sarmiento, binigyan ang DOTr at LTFRB ng P5.580 billion sa ilalim ng Bayanihan 2 na karagdagan sa P3 billion na nasa ilalim ng 2021 general appropriations act (GAA) para tulungan ang mga commuter at maging ang mga apektadong driver sa public sector na naaapektuhan sa pandemya.

Epektibo ang Bayanihan 2 noong Setyembre 2020 o 9 na buwan na habang ang GAA ay sinimulang ipatupad noong Enero 1, 2021 subalit sa mga nabanggit na panahon ay 11.91% pa lamang sa nasabing halaga ang nagagastos ng dalawang nabanggit na ahensya.

Ito ay matapos matuklasan na sa P786.9 million na ibinigay sa DOTr at LTFRB ay P653.4 million pa lamang ang nagagastos ng mga ito kaya nababahala ang mga mambabatas na posibleng hindi magamit ang nasabing pondo para matulungan ang mga mananakay.

Pinuna rin sa nasabing pagdinig ang DOTr at LTFRB sa libreng sakay na ipinatutupad sa EDSA dahil hindi napagaan ang pagsakay ng mga commuter na patuloy na nahihirapan dahil sa kakulangan ng bus.

Sinabi ni LTFRB chairman Martin Delgra sa committee na nagbigay umano ang mga ito ng 550 special permit sa mga pribadong transport sector para sa libreng sakay subalit wala pang 400 unit ang bumibiyahe.

Binabayaran ng LTFRB ng P84 kada kilometrong biyahe ang mga pribadong bus para magbigay ng libreng sakay subalit inamin nito na kulang ang mga unit na bumibiyahe kaya mahaba ang pila ng mga pasahero. (BERNARD TAGUINOD)

200

Related posts

Leave a Comment