IPINANGAKO ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na dodoblehin ng kanyang administrasyon ang pagsisikap nito na mapabilis ang pagkumpleto o pagtatapos sa rehabilitation projects sa Marawi City.
Ang pangako ni Pangulong Duterte ay inilahad nito sa isinagawang commemorative rites ng ika-4 na taong anibersaryo ng kalayaan ng Marawi City mula sa Islamic State-linked terrorists.
“Let me take this opportunity to reassure the people of Marawi that the government is doing its best to expedite the completion of rehabilitation projects at the soonest time possible. We, in government, are strongly committed to bring back the city’s glory,” ayon sa Chief Executive sa kanyang keynote speech sa Rizal Park sa Marawi City, Lanao del Sur.
Aniya, napakahalaga na muling itaguyod ang buhay ng mga residente ng Marawi City na nawasak kasunod ng siege na nagsimula noong Mayo 23, 2017 sa pagitan ng tropa ng gobyerno at mga terorista.
Aniya, ang ginawang paglutas ng pamahalaan ay para ibalik ang nasirang mga ari-arian at buhayin nagambalang socio-economic activities.
Sa kabilang dako, pinuri naman ng Punong Ehekutibo ang Task Force Bangon Marawi (TFBM), lokal na mga opisyal, at mga katuwang na nagkapit-bisig sa pagbangon ng lungsod.
Aniya ang “hard work” ng TFBM para mapagtagumpayan ang mga programa, proyekto, at aktibidad sa ilalim ng Bangon Marawi Comprehensive Rehabilitation and Recovery Program ay “truly commendable.”
Natuwa naman ang Pangulo sa TFBM at iba pang stakeholders para sa kanilang pagsisikap at sakripisyo na tiyakin na makukumpleto ang rehabilitasyon ng Grand Mosque.
Umaasa si Pangulong Duterte na wala nang “Marawi-type siege” sa bansa habang pinuri naman ang tropa ng pamahalaan at ang lokal na mga opisyal sa kanilang “bravery, sacrifice, and determination” na ipagtanggol at palayain ang Marawi City mula sa kamay ng mga terorista.
Idineklara ng gobyerno ang paglaya ng Marawi City mula sa Maute terrorist group noong Oktubre 2017, o limang buwan matapos magsimula ang bakbakan. (CHRISTIAN DALE)
