TARGET ni KA REX CAYANONG
SA panahon ng mabilisang impormasyon, kasing bilis din kumalat ang maling pagkaunawa dito.
Ito ang kinahinatnan ng napaulat na “100% accomplished” kaugnay ng proyektong tulay na magdudugtong sa Bantay, Ilocos Sur at San Quintin, Abra—isang ulat na agad binigyang-kulay ng duda at maling interpretasyon.
Kaya sa gitna ng ingay, mahalagang pakinggan ang paliwanag ng taong direktang may alam sa proseso—si dating DPWH Region I Director Engr. Ronnel Tan.
Malinaw ang kanyang pahayag at walang paligoy-ligoy, ang pondong inilalaan sa mga proyekto ng DPWH ay ibinibigay taun-taon.
Kung ang proyekto ay multi-year, ang ulat ng progreso ay nakabatay lamang sa pondong inilabas para sa isang partikular na taon. Ibig sabihin, ang “100% accomplished” ay tumutukoy sa pagtupad sa mga target na gawain para sa taong iyon—hindi sa kabuuang pagkakatapos ng buong proyekto.
Ito ang teknikal na katotohanang madalas nawawala sa mga headline. Ang “100%” ay hindi awtomatikong katumbas ng “tapos na.” Ito ay sukatan ng performance batay sa taunang badyet at scope of work.
Sa ganitong konteksto, ang paggamit ng terminong “maling balita” laban kay Engr. Tan o sa ulat ng ahensya ay hindi lamang hindi makatarungan, ito ay nakaliligaw sa publiko.
muling ipinaliwanag ni Engr. Tan ang mekanismo ng pagpopondo at pag-uulat. Ang malinaw na paliwanag na ito ay dapat magsilbing paalala na hindi lahat ng teknikal na ulat ay maaaring basahin nang literal, lalo na kung hiwalay sa konteksto ng badyet, taon, at saklaw ng proyekto.
Higit pa rito, ang ganitong uri ng maling interpretasyon ay may mas malalim na epekto.
Sinisira nito ang tiwala ng publiko, hindi dahil may anomalya, kundi dahil may kakulangan sa pag-unawa. Ang resulta, napagbibintangan ang mga propesyonal na gumaganap ayon sa tamang proseso at pamantayan.
Sa isang bansang gutom sa imprastraktura at umaasa sa tuloy-tuloy na kaunlaran, tungkulin ng lahat—media, mamamayan, at institusyon—na maging responsable sa pagbasa at pagbibigay-kahulugan sa impormasyon.
4
