DQ CASE KAY QUEZON CONG. SUAREZ?

PERPETUAL disqualification to run in public office ang posibleng ipataw ng Comelec laban sa dating gobernador ng Quezon.

Ito’y sa oras na mapatunayan ng Comelec na totoo ang election offense na kinahaharap ng dating gobernador at kasalukuyang kinatawan ng ikalawang distrito ng probinsya ng Quezon na si Congressman David “Jay-Jay” Suarez.

Batay sa nakasampang reklamo, nakagawa umano ng paglabag noong 2019 mid-year election si Suarez noong ito’y gobernador pa ng probinsya ng Quezon.

Nakasaad sa complaint affidavit na isinampa nina Eduardo Salcedo, Virgilio Paran, Noel Buenavista at Jose Pasia na kapwa naninirahan sa Barangay Bulakin, Tiaong Quezon, na nalabag ni Congressman Suarez ang nakasaad sa Section 261 ng ‘Batas Pambansa Bilang 881’ o mas kilala bilang ‘Omnibus Election Code’ (OEC), na nagbabawal sa paglabas at ­paggastos ng pondo ng pamahalaan nang walang pahintulot ng Comelec habang umiiral ang campaign period.

Ang paglabag ay may kinalaman sa umano’y pagpayag at ­pag-utos ng gobernador sa paglabas ng pondo para sa programang Social ­Welfare Development Office sa ilalim ng ­Assistance to Individuals in Crisis ­Situation (AICS) at Sustainable ­Livelihood Programs (SLP).

Batay sa Section 261(v) ng ­Omnibus Election Code, ipinagbabawal sa isang opisyal o empleyado, kabilang na ang mga nanunungkulan sa ­barangay at ang government owned and controlled corporations at mga subsidiaries nito, ang paggastos ng pampublikong pondo sa loob ng apatnapu’t limang araw (45 days) bago ang regular na halalan, at tatlongpung araw (30 days) naman bago ang ­espesyal na halalan. Ang pagbabawal ay para masiguro na hindi magagamit ang pondo sa pangangampanya.

Sa inilabas na desisyon noong Nobyembre 26, 2019, hindi pinayagan ng Komisyon ang hiling ni noo’y Gobernador Suarez na mailabas ang pera sa panahon ng kampanya dahil sa labag ito sa isinasaad ng Section 261 ng OEC.

Ayon sa batas, maaari lamang ilabas ang pondo kung ito ay: 1) ­pagkukunan ng sahod, 2) napapabilang sa pang araw-araw na gastusin, 3) at iba pang mga karapat-dapat na gastusin na pahihintulutan ng ­Komisyon matapos dumaan sa masusing pagdinig.

Sa isinagawang pagdinig noong May 7, 2019, kulang ang mga naisumiteng dokumento ng gobernador at hindi nito natukoy ang mga programang paglalaanan ng pondo. Hindi rin malinaw kung saan kukunin ang pondong gagamitin at kung magkano ang halagang gagastusin, at hindi rin naisama ang approved budget at ang annual investment plan ng probinsya para sa taong 2019.

Sa kabila ng kawalan pahintulot ng Comelec, iniutos pa rin umano ng dating gobernador ang paggamit ng pondo na isang lantarang paglabag sa nasabing batas.

Dagdag pa ng mga nagreklamo, kaduda-duda at pilit ang naging aksyon ng dating gobernador lalo na’t apat na kamag-anak nito ang noo’y tumakbo sa iba’t ibang posisyon sa probinsya. Anila, hindi kataka-taka na nagamit ang pondo sa kanilang pangangampanya.

Ang isang election offense ay katumbas ng isang kasong kriminal, na kung mapatutunayan ay mapapatawan ng mabigat na parusa. Ang paglabag ng dating gobernador sa nasabing batas ay posibleng mauwi sa habambuhay na diskuwalipikasyon sa pagtakbo sa ano mang posisyon sa pamahalaan.

143

Related posts

Leave a Comment