(NI DANG SAMSON-GARCIA)
NAGKONTRAHAN sina Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson at Senate Minority Leader Franklin Drilon sa isyu ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilipat ang 10 high profile inmates mula sa New Bilibid Prisons (NBP) patungong Philippine Marines.
Ayon kay Sotto, wala siyang nakikitang masama sa kautusan ng Pangulo lalo pa kung naglabas na rin ng release order ang Department of Justice (DOJ).
“Pwede yun, ‘pag pinayagan ng DOJ yun. Custody nila yun eh. Hawak ng DOJ eh kaya may karapatan sila,” saad ni Sotto.
Sinabi naman ni Drilon na dapat mayroon pa ring court order bago inilipat ng kustodiya ang 10.
“Under the law, there are these prisoners where we incarcerated is by order of the court. When the court convicts, the court directs kung saan ka ikukulong,” saad ni Drilon.
“And you are supposed to stay there and the custodial, in this case, the Bureau of Corrections, is responsible to the Court,” dagdag pa ng senador.
Sinabi naman ni Lacson na wala nang hurisdiksyon ang korte sa 10 inmates kaya’t hindi malinaw kung saang korte pa sila kukuha ng order.
“Ang isang view riyan, kasi wala nang jurisdiction ang korte riyan. Saang korte kukuha ng order? Tapos na ang jurisdiction ng korte, na-convict na. Ang may poder diyan, pupunta na sa executive department na pinaka-Chief Executive, ang Pangulo,” saad ni Lacson.
“Ang tanong kung kailangan ng court order, kaninong korte ka kukuha ng permiso? Kung may pending na kaso halimbawa iniimbestigahan pa, naka-pending sa korte, di mo pwede basta ilabas. Siyempre paalam ka sa court na naglilitis. E wala nang nililitis unless ang iba roon may pending na kaso sa korte aside from their conviction. Pero ang tanong kung kailangan ng permiso sa korte, wala nang jurisdiction ang court,” paliwanag pa nito.
Duda naman si Lacson na may posibilidad pang makaimpluwensya si Senador Leila de Lima.
“I’ll be very objective sa opinion. Nakakulong na ang ale eh. May impluwensya pa ba yan? Kung SOJ siya masasabi nating may influence pa siya sa loob pero nakakulong na for how many years, mag-3 taon na yata. Anong influence pa, sino pa susunod sa kanya unless pinabinayaran?” diin ni Lacson.
“Para sa akin, hindi na logical para isipin na may influence pa siya roon, papakinggan pa rin siya, unless meron siya naging personal friend doon na matibay ang kanilang pinagsamahan. Pero kung gagamitin lang ang kanyang influence being a former SOJ or even a senator, di ko makita anong influence ang pwede niyang i-wield sa sinasabi niyang naroon pa sa loob,” dagdag pa ng senador.
