BATANGAS – Dead on the spot ang isang tricycle driver makaraang barilin ng hindi kilalang suspek habang nakaupo sa terrace ng kanyang bahay sa Tanauan City sa lalawigang ito, noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ng Tanauan City Police ang biktimang si Ricarte Mazo, 49-anyos, residente ng Barangay Boot.
Base sa report, bandang alas-8:30 ng gabi nang dumating ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo sa harap ng bahay ng biktima.
Pagkaraan ay bigla na lamang binaril ng backrider ang biktima na tinamaan sa ulo na naging sanhi ng agarang pagkamatay nito.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.
Wala pang masabing posibleng motibo ang pulisya at ang mga kaanak sa nangyaring pagpatay sa biktima dahil base sa impormasyon ay wala itong kaaway.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa krimen. (NILOU DEL CARMEN)
