TAGAYTAY CITY – Hinihinalang inatake sa puso ang isang pampasaherong jeepney driver kaya nabangga nito ang isang sasakyan sa lungsod noong Lunes ng umaga.
Naisugod pa sa Mendez Specialist Hospital ang biktimang si alyas “Lito”, 56, ng Brgy. Upli, Alfonso, Cavite subalit idineklarang dead on arrival.
Napag-alaman, minamaneho ni alyas “Dante”, 53, ang kanyang sasakyan habang nakasunod naman ang minamanehong pampasaherong jeepney ng biktima at binabagtas ang kahabaan ng Tagaytay-Nasugbu Road, Brgy. Mendez, Crossing West, Tagaytay City patungo sa direksyon ng Manila.
Ngunit pagsapit sa pinangyarihan ng insidente ay bigla umanong binangga ng sasakyan ng biktima ang sasakyan ni Dante bandang alas-11:30 ng umaga.
Ayon sa ilang pasahero ng jeep, napansin nila na tila nakaramdam ng paninikip ng dibdib ang biktima hanggang sa nawalan ito ng malay at tuloy-tuloy na bumangga sa sasakyan na minamaneho ni Dante.
Wala namang iniulat na nasaktan o nasugatan sa mga pasahero ng biktima.
(SIGFRED ADSUARA)
