Driver ng tricycle, 13-anyos MAG-IINA PATAY, 4 SUGATAN SA VAN VS TRIKE

BULACAN –  Patay ang dalawang menor de edad gayundin ang ina ng mga ito habang apat pang mga kaanak ang sugatan matapos sumalpok ang sinasakyang tricycle sa isang kasalubong na van sa Cagayan Valley Road, Barangay Buliran sa bayan ng San Miguel sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.

Ang mga biktima na magkakamag-anak ay papunta sa isang vaccination site sa Barang Poblacion para magpabakuna kontra COVID-19 nang mangyari ang insidente.

Agad na binawian ng buhay ang mag-iina na kinilalang sina Monica Ramos, 29; Aj, 5, at Miguel, 7, habang sugatan sina Vanessa Francisco, 22; Haydee Francisco, 13; Lara Capulong, 10, at Jacob Elias Dela Cruz, 1-taon gulang, pawang mga residente ng Barangay Malubay ng nasabi ring bayan.

Batay sa panimulang imbestigasyon, nakatanggap ng tawag ang San Miguel Police kaugnay sa nangyaring aksidente bandang alas-1:30 ng hapon habang ang mga biktima ay lulan ng isang tricycle na minamaneho ng 13-anyos na si Haydee.

Nabatid na habang binabagtas ng mga biktima ang national highway papuntang Barangay Poblacion ay isang sasakyan ang nag-overtake sa kanang bahagi nito kung saan napakabig sa kaliwa ang tricycle na sumalpok sa paparating na XLT Van.

Dahil sa lakas ng impact ng pagsalpok ay naipit ang mga biktima at ang iba ay nagtalsikan sa kalsada.

Ang driver ng XLT van na si Angelino Paras, 61, residente ng Mambangnan, San Leonardo, Nueva Ecija, na agad sumuko ay nahaharap sa kasong multiple homicide and multiple serious injuries. (ELOISA SILVERIO)

215

Related posts

Leave a Comment