BATANGAS – Sinisilip ng mga awtoridad ang anggulong love triangle at ilegal na droga sa pagdukot ng hindi kilalang armadong grupo sa anim na magkakaibigan sa Nasugbu-Tagaytay Highway noong nakaraang Biyernes.
Napag-alaman, isa sa dalawang babaeng nakaligtas sa insidente ay boyfriend umano ng isang Chinese national na nakaaway ng mga biktima bago magtungo sa kanilang outing.
Habang ayon kay Police Captain Errol Frejas, hepe ng Laurel Police, isa sa mga biktima ay may kasong ilegal na droga noong Nobyembre 2020 sa San Jose, Batangas.
Kaugnay nito, makalipas ang limang araw, hindi pa rin matukoy ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng mga biktima.
Nabatid na natukoy na ng pulisya ang plate number ng tatlo sa apat na sasakyang ginamit ng mga suspek sa pagdukot sa mga biktima at hinihintay na lamang ang ulat ng LTO kung sino ang may-ari ng mga ito.
Magugunitang alas-5:30 ng umaga noong Biyernes nang gitgitin at harangin ng apat na sasakyan ang Mitsubishi Xpander na sinasakyan ng mga biktimang sina Mar Christian Ore, Eugene Noora, Shane Despe, Paulino Sebastian, Carlo Fazon at Mark Neil Caraan.
Pinababa ang mga ito at isinakay sa isang Starex van at tinangay din ang Xpander na natagpuang inabandona sa Calamba City ilang, oras matapos ang insidente.
Pauwi na ang mga ito sa Cavite galing sa outing sa Lian, Batangas nang dukutin ang mga biktima habang nakatakas naman nang manlaban umano sina Perly Lape at Ma. Jennelyn Bauyan. (NILOU DEL CARMEN)
178 