DROGANG BAHID NG KONGRESISTA

KONTING kembot pa, umpisa na ang legal na kampanya para sa lahat ng kandidatong puntirya ang pwestong gobernador, kongresista, alkalde at iba pang posisyon sa lokal na pamahalaan.

Ang totoo, hindi ganun kahirap kumilatis ng mga aspirante sa lokal na posisyon lalo pa’t limitado ang saklaw ng teritoryong kalakip ng inaasintang pwesto. Hindi hamak na mas mabilis kumalat ang mga impormasyon kaugnay sa mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng lokal na opisyal. May sangkot sa katiwalian, ­pagiging babaero o kasapakat ng mga utak-sindikato.

Sa madaling salita, alam agad ng mga nasasakupang residente ng isang lalawigan, lungsod o munisipalidad ang hilatsa ng mga nanghaharanang tanging pakay lang naman ay masungkit ang kanilang suporta.

Sa isang malaking lungsod sa Metro Manila, may agam-agam ang mga botante sa isang kandidatong city hall ang puntirya. ­Usap-usapan ngayon sa Caloocan City si Congressman Egay Erice na kandidatong mayor sa lungsod sa gawing hilaga ng Metro Manila.

Dangan naman kasi, kaladkad ang pangalan niya ng umano’y anak na sangkot sa droga. Sa ­aking sapantaha, hindi naman siguro kinukunsinte ni Erice ang anak na nahaharap sa asuntong walang piyansa. Kung mayroon man siyang pagkukulang, iyon ay ang umiral na damdamin ng isang amang sukdulang protektahan ang kanyang anak na isinunod pa sa kanyang pangalan.
Pero teka… parang kunsintidor pa rin ang dating nun, ‘di ba?

Sa impormasyon ng isang court insider, ibinasura ng Pasay City Regional Trial Court ang petition for bail na inihain ni Edgar Erice Jr. sa hangaring makalaya sa kabila pa ng probisyon kalakip ng Section 5 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). No bail recommended ‘yan, kosa!

Gayunpaman, tinimbang pa rin ng husgado ang kanyang apela. Ang resulta – butata. Sa bigat ng ebidensya laban kay Erice Jr. (na nahaharap din sa kasong paglabag sa Section 11 Article 2 ng RA 9165), hindi kinatigan ng korte ang kanyang apela.

Marso 2018 nang dakpin si Erice Jr. at kasama nitong si Rafael Alberto sa isang buy-bust operation sa Pasay City.

Sa aking abang pananaw, mabigat ang problema ng ­kongresista. Ang kanyang puntiryang pwesto, tila mabubulilyaso. Kung mayroong dapat unahin ang kinatawan ng Caloocan, iyon ay ang linisin muna ang kanyang bakuran. Paano niya patatakbuhin ang pamahalaang kanyang pinasasaringan kung ang mismong pamilya, hindi niya mapangasiwaan nang ayon sa wastong kamalayan? (Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

135

Related posts

Leave a Comment