DSWD, PGB NAGHATID NG AYUDA SA NASALANTA SA BAHA SA BULACAN

PERSONAL na ipinamahagi ni Health Sec. Rex Gatchalian (2nd from left) ang food packs mula sa (DSWD) kasama sina Gov. Daniel Fernando (kaliwa) at Balagtas Mayor Andy Santiago (2nd, right) para sa 251 pamilyang evacuees na nasalanta ng baha dulot ng patuloy na pag-ulan dala ng Bagyong Crising at Habagat sa isinagawang relief operation sa bayan ng Balagtas, Bulacan noong Lunes, July 21. (Kuha ni ELOISA SILVERIO)

NASA 251 pamilyang Bulakenyo na apektado ng Bagyong Crising at Habagat ang tumanggap ng food packs at emergency kit buhat sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Provincial Government of Bulacan sa isinagawang relief distribution sa bayan ng Balagtas at Bocaue noong Lunes, Hulyo 21.

Mismong si Health Secretary Rex Gatchalian kasama sina Governor Daniel Fernando, Vice Gov. Alex Castro, Balagtas Mayor Adrian Santiago at Vice Mayor Mikee Jane Gonda, Provincial Social Welfare and Development Office chief Rowena Tiongson at DSWD personnel ang nag-administer ng pamamahagi ng nasabing ayuda para sa mga benepisyaryo.

Ayon kay Mayor Santiago, nasa kabuang 154 pamilya ang inilikas mula sa mga barangay ng Panginay, San Juan, Wawa at Longos na nalubog sa mataas na tubig-baha.

Sumunod naman tinungo nina Sec. Gatchalian ang bayan ng Bocaue at namahagi rin ng kaparehong relief goods sa 97 pamilyang evacuees.

Ayon kay PSWDO head Tiongson, kabilang sa mga ipinamigay ay family food packs galing sa DSWD at emergency kit mula kay Gov. Fernando na naglalaman ng kumot, kulambo banig, unan, 5 kilong bigas.

Samantala, base sa ulat ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nasa 14 na bayan sa lalawigan ang lubog sa baha mula 1 hanggang 10 talampakan.

Iniutos na rin ni Fernando sa PDRRMO ang paglagay ng service trucks para magamit ng stranded passengers. (ELOISA SILVERIO)

19

Related posts

Leave a Comment