DSWD, SININGIL SA ‘NAKATAGONG’ P2.2-B BUDGET

SININGIL ni Senadora Mary Grace Poe ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ‘pagtatago’ nito ng P2.2 bilyong pera para sa feeding program.

Ayon kay Poe, ang nasabing pondo ay 60 porsiyento ng kabuuang “supplemental budget” ng DSWD na inilaan ng Kongreso para sa feeding program ngayon 2020.

Mahigit isang buwan na lang ay 2021 na, ngunit biglang lumabas sa pagdinig sa Senado hinggil sa mungkahing P4.5 trilyong badyet nitong Martes na P2.2 bilyon pa pala ang nakatabing pera ng DSWD.

Ang retiradong heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Rolando Joselito Bautista ang kalihim ng DSWD.

Gusto ni Poe na kagyat na gamitin ng DSWD ang nasabing biyun-bilyong halaga sa feeding program para mga batang naninirahan sa mga lungsod at bayan na apektado ng tatlong magkakasunod na mga bagyo.

Kumbinsido si Poe na mahalagang trabaho, tungkulin at obligasyon ng pamahalaan ang pagpapakain sa mga bata dahil layunin nitong iligtas ang mga batang sakitin at mahina ang mga pangangatawan.

Ang supplemental feeding program ay nakasaad sa Republic Act No. 11037, o “Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act” na akda ni Poe.

Ang ibang nilalaman ng R. A. 11037 ay ang “School-Based Feeding Program (SBFP)” at ang “Milk Feeding Program”. (NELSON S. BADILLA)

188

Related posts

Leave a Comment