ANO kaya ang dahilan at gigil na gigil ang Bureau of Philippine Standards at Department of Trade and Industry (BPS/DTI) na ipatupad agad ang isa nilang Department Administrative Order (DAO)?
Ang tinutukoy po natin ay itong isang kautusan na may kaugnayan na gawing mandato para sa lahat ng mga nag-aangkat ng yerong pambubong na magsumite ng isang sertipikasyon mula sa nabanggit na ahensiya.
Mukha yatang masyadong pinahihirapan ng DTI ang mga maliliit na negosyante sa pagpapatupad ng nasabing DAO?
May mga report kasing lumabas na wala diumanong konsultasyon na naganap sa hanay ng mga gumamit ng yero ang DTI at diumano’y basta na lang daw nag-isyu ang ahensiya ng nasabing kautusan.
Kaya naman naiinis at nagtatanong ngayon ang abogadong si Atty Trixie Cruz-Angeles, bakit nga ba kailangan madaliin ng BPS/DTI ang pagpapatupad ng DAO?
May pinapaboran ba silang malaking kumpanya na magbebenipisyo sa pagpapatupad nito?
Ayon sa abugado, balakid daw sa pag-unlad at maituturing pa na anti-poor ang DAO na ito ng DTI.
Bikod dito, inaasahan na ito ay magbubunga ng malaking epekto sa maliliit na negosyante na nangangailangan ng mga gamit pambubong para magawa at matapos ang kanilang mga produkto o proyekto.
Kasama na rin dito ang mga pamilya na nagnanais makapagpatayo ng kanilang dream house. Dagdag lang daw ito sa pondong kailangan nila dahil kung tuluyang ipapatupad ang DAO ay malamang na tumaas ang presyo ng yero sa bansa.
Ang DAO 10-20 ay isang regulasyon na naguutos na ang lahat ng mga materyales na pambubong kagaya ng hot-dipped metallic-coated at pre-painted galvanized steel coils, pati na sheets na pambubong at gamit pangkahalatan, ay dapat muna na kumuha ng sertipikasyon mula sa BPS/DTI.
Ang malaking tanong, bakit pati ang mga negosyong ‘di naman kailangang sumunod sa nasabing sertipikasyon na dapat may tamang kapal ang mga steel coil materials na kanilang gamit na pambubong ay isinama ng DTI sa DAO?
Ang mungkahi ni Atty. Angeles, kailangan muling masusing pag-aralan ng DTI/BPS ang kanilang polisiya at huwag munang ipatupad ang nasabing DAO para na rin sa kapakanan ng mga nakakarami at maliliit na negosyante.
Dapat iniisip ng DTI ang kapakanan ng mga ordinaryong mamamayan na maaapektuhan sa nasabing DAO.
Minsan mag-isip din sana lalo na ang mga nasa gobyerno at isaalang-alang ang kapakanan ng nakararaming maapektuhan ng kanilang mga kautusan.
Lagi tuloy napupulaan ang DTI sa kanilang mga inilalabas na patakaran.
Imbes na kung anu-anong administrative order na ilalabas ng DTI ay asikasuhin muna nila kung paano maipabababa ang presyo ng mga bilihin.
Kamakailan lumabas na tumaas ang inflation rate na dahilan upang mabilis na tumaas ang presyo ng mga bilihin.
Pangunahing sapul nito ay ang mga ordinaryong mamamayan.
Kaya mungkahi ng PUNA sa DTI mag-pokus sila sa mas mahalagang bagay na makatutulong sa mga ordinaryong Pinoy.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.
165
