Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na isasaalang-alang nito ang kapakanan ng mga mamimili, lokal na industriya, at iba pang sektor kaugnay ng planong pagpapataw ng taripa sa imported na semento.
Ito ay kasunod ng panawagan ng isang consumer group na huwag ituloy ang nakatakdang taripa na, ayon sa kanila, magtutulak sa pagtaas ng presyo ng mga materyales sa konstruksyon.
Ayon sa DTI, layon ng taripa na maprotektahan ang mga lokal na manufacturer laban sa labis na pag-angkat ng semento na maaaring makasama sa lokal na produksyon. Gayunman, tiniyak ng ahensiya na patuloy nitong binabalanse ang interes ng mga negosyante at mamimili bago maglabas ng pinal na rekomendasyon.
Sinabi ng consumer group na United Filipinos Consumers and Commuters na ang dagdag na taripa ay maaaring magdulot ng domino effect sa presyo ng pabahay at iba pang proyekto ng imprastraktura. Hinihikayat nila ang DTI na pag-aralang muli ang panukala at humanap ng alternatibong solusyon para mapanatiling abot-kaya ang presyo ng semento sa merkado.
Wala pang pinal na desisyon ang DTI kung kailan ipatutupad o kung sususpindihin ang taripa. Inaasahang ilalabas ng kagawaran ang opisyal na anunsyo sa mga susunod na linggo matapos ang konsultasyon sa mga stakeholder.
