DU30 IPINATIGIL ANG LOTTO, STL, KENO AT LAHAT NG GAMING OPERATIONS NG PCSO!

HAGUPIT NI BATUIGAS

Sa wakas ipinatigil na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng lotto, Small Town Lottery (STL), Keno, Peryahan ng Bayan at lahat ng gaming operations o scheme na may lisensya o prangkisa mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ipinarating ng pangulo ang kanyang mensahe sa PCOO kamakalawa ng gabi kung saan napuno na ang pangulo sa patuloy na katiwalian kaya tuluyan na niyang ipinahinto ang operasyon ng PCSO games.

“Sa mga kababayan ko, I have ordered today the closure, the stoppage of all gaming schemes of whatever nature however that got the franchise to do so from PCSO,” pahayag ng pangulo.

Ang sinasabing gaming operations na ipinatigil ng pangulo ay ang Keno, STL, Peryahan ng Bayan, at iba pang nasa ilalim ng PCSO kung saan inatasan na nito ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na ipatupad ang kanyang direktiba at arestuhin ang lahat ng mga magpapatuloy ng operasyon o lalabag sa kanyang kautusan.

Nilinaw din ng pangulo na hindi niya kikilalanin ang anumang utos ng korte na magpapahinto sa kanyang kautusan kung saan nais niya na imbestigahan ang isyu ng katiwalian sa numbers game.

Diyan tayo bilib kay Pangulong Duterte may kamay na bakal, lalo na ang hindi pagkilala sa kautusan ng korte kung sakali na ang operators ay dumulog sa korte para kuwestiyunin ang kanyang kautusan.

Hindi katulad ng mga nagdaang administrasyon na napapahiya ang pangulo at nahahadlangan  na maipatupad ang programa ng gobyerno dahil sa mga Temporary Restraining Order na ipinalalabas ng korte.

Tama ang ginawang pagpapatigil sa gaming operation ng PCSO dahil nakokorap lamang ito at ang tumitiba ay ang mga ganid na tauhan ng PCSO na tila walang kabusugan. Hindi ba’t binabanatan ni PCSO Director Sandra Cam si dating PCSO General Manager Alexander Balutan dahil sa sobrang laki ng kita ng PCSO sa gaming operations pero barya lamang ang i­binibigay sa mga mahihirap na humihingi ng tulong? Naglalakihan ang kanilang mga bonus pero ang taumbayan ay kanilang tinitipid o pinagdadamutan.

Kaya inaasahan naman natin na magpipiyesta ang mga gambling lord dahil ikakasa naman nila ang kanilang gambling empire sa iba’t ibang sulok ng bansa. Abangan natin.  (Hagupit ni Batuigas/MARIO B.  BATUIGAS)

250

Related posts

Leave a Comment