CAVITE – Mula sa isang creek, dumaan sa drainage saka naghukay patungo sa loob ng kilalang convenience store ang mga kawatan saka tinangay ang mahigit P260,000 cash, alak at cellphone sa bayan ng Silang sa lalawigang ito, noong Lunes ng umaga.
Ayon sa ulat ni Corporal Ramil Legaspi ng Silang Police Station, dakong alas-5:05 ng umaga nang natuklasan ni Lexander Nazareno, 24, store crew, ang panloloob sa Alfamart Buho Branch sa Brgy. Buho, Silang, Cavite.
Salaysay ni Nazareno, napansin nito na maputik ang loob ng tindahan at bukas din ang safety vault at nawawala ang tinatayang P244,714 na laman nito na kita ng tindahan, tatlong bote ng Johnny Walker na nagkakahalaga ng P4,050; tatlong pirasong Red Label na nagkakahalaga ng P1,671, at isang Huawei cellphone na P10,000 ang halaga, o kabuuang halagang P260,435.
Ayon kay Legaspi, nagmula ang mga suspek sa creek malapit sa lugar tapos dumaan sila sa drainage ng kalsada saka sila nagbutas sa lupa patungo sa Alfamart.
Dagdag pa nito, may 100 metro ang layo mula sa drainage hanggang sa Alfamart at doon din sa butas dumaan palabas ang mga kawatan.
Hindi naman masabi ng imbestigador kung ilan ang mga suspek at kung ilang araw isinagawa ang paghuhukay.
Pag-aaralan ang CCTV sa loob ng tindahan kung may makukuhang mahalagang impormasyon laban sa mga suspek. (SIGFRED ADSUARA)
