Dumayo sa karera ng kalapati RIDER PATAY SA VAN SA LAGUNA

LAGUNA – Patay ang isang lalaking rider na dumayo lamang sa probinsya para sa karera ng kalapati, matapos na ang minamaneho nitong motorsiklo ay bumangga sa isang van sa national road sa Brgy. Halayhayin, sa bayan ng Siniloan sa lalawigang ito, noong Lunes ng umaga.

Kinilala ang namatay na si Darwin Macamus Francisco, 31-anyos, Lalamove driver at residente sa Nangka, Marikina City.

Batay sa report ng pulisya, pauwi na sa Marikina galing sa Laguna ang biktima nang sumalpok ang motorsiklo nito sa tagiliran ng L300 van na minamaneho ng isang Dionito Jurilla Portes Jr. na noon ay paliko mula sa highway papasok ng barangay road.

Dumanas ng grabeng pinsala sa ulo at katawan ang biktima at nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa Pakil General Hospital.

Ayon sa imbestigador, nagtungo sa Laguna ang biktima at nagpakawala lamang ng kalapati na kasali sa karera ngunit habang pauwi ay nangyari ang insidente.

Pansamantalang kinustodiya naman ng mga awtoridad ang driver ng van habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (NILOU DEL CARMEN)

590

Related posts

Leave a Comment