DUQUE NAMUMURO SA PLUNDER

HINDI isinasantabi ng isang mambabatas sa Kamara na maharap sa kasong plunder si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III kaugnay sa P67.3 billion pondo sa COVID-19 response na kuwestiyonable umano ang paggamit

“Ang threshold ng plunder is P50 million. Ang pinag-uusapan dito ay higit P50 million,” ani Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate nang tanungin kung maaaring makasuhan ng plunder si Duque.

Gayunpaman, kailangan aniyang patunayan na may nagbulsa ng higit sa P50 million mula sa P67.3 billion na kinukuwestiyon ng Commission on Audit (COA) upang makapagsampa ng kasong plunder na walang piyansa.

Sa ngayon, ayon kay Zarate sa press conference ng Makabayan bloc kahapon, ay swak na aniya sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban kay Duque at mga kasamahan nito na nagpabaya sa kanilang tungkulin.

Duque nag-time out

Samantala, naudlot ang pagpapatuloy ng pagdinig ng House committee on public accounts kahapon (Huwebes) matapos humingi ng ‘time out” si Duque dahil may pulong umano ang mga ito sa Inter-Agency Task Force (IATF).

Sa sulat na natanggap ng komite kay Duque noong Miyerkoles, sinabi nito na maraming urgent matters ang kanilang pagpupulungan sa IATF na hindi niya puwedeng hindi daluhan.

Dahil dito, inurong ng komite ngayong araw (Biyernes) ang ikalawang pagdinig sa kontrobersya sa P67.3 billion na kinukuwestiyon ng COA.

Umaastang biktima

Ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite, walang maaawa kay Duque dahil kung umarte umano ito ay parang siya pa ang biktima gayung maraming health workers ang napapabayaan, marami ang namamatay sa COVID-19 at mas marami ang nahihirapan.

“Sa halip na nag-aaksaya ng panahon sa pagda-drama, pagpapalusot, pag-arte na parang sila pa ang biktima at pagbira sa COA, itong mga opisyal ng mga ahensyang bida sa audit reports ay dapat humarap at magpaliwanag nang maayos sa sambayanan,” ani Gaite.

Magugunita na naging emosyonal si Duque sa pagdinig ng Kamara noong Martes kung saan inirereklamo nito na hindi na umano siya nakakatulog dahil sa kahihiyan at winarat umano sila ng COA sa report ng mga ito.

Maging sa pagdinig ng Senado ay naringgan si Duque na gulong-gulo na umano ang kanyang isip kaya pinayuhan siya ni Senate Blue Ribbon committee chairman Dick Gordon na magpatingin na sa psychiatrist.

Ayon kay Gaite, kahit anong pagdadrama ni Duque ay hindi ito makakatikim ng simpatiya dahil hindi biro ang P67.3 billion na kinukuwestiyon ng COA. (BERNARD TAGUINOD)

141

Related posts

Leave a Comment