WALA pang nakikitang dahilan si Health Secretary Francisco Duque III para magsuspinde ng klase sa Metro Manila, kasunod ng pagtaas ng kaso ng coronavirus disease o COVID-19 sa bansa, kabilang na ang local transmission.
“Hindi pa tama iyon,” pahayag ni Secretary Duque III kasunod ng suhestyon ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na kanselahin na ang lahat ng klase mula March 9 at automatic na passing rate na lahat ng estudyante bilang precaution sa virus.
Bukod sa Navotas, nagsuspinde na rin ng klase ang Taytay at Cainta sa lalawigan ng Rizal.
“Wala naman ebidensya na meron silang transmission. Diskarte na nila iyan (class suspension), desisyon na nila iyan at sila naman ang mananagot din sa kanilang mga desisyon,” sinabi ni Duque sa panayam ng DZMM.
Ang unang kaso ng COVID-19 local transmission ay ang 62-year-old na lalaki na walang travel history abroad at madalas na bumisita sa prayer hall sa San Juan.
Siya ang ika-5 na COVID-19 Case sa Pilipinas at ang kanyang asawa ang ika-6 na kaso.
Kaugnay nito, hinihintay pa ng Department of Education (DepEd) ang abiso mula sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases bago isagawa ang kanilang magiging aksyon sa banta ng COVID-19.
Saad pa ni Sec. Leonor Briones, naghihintay pa sila ng payo mula sa Department of Health ukol sa pagsasagawa ng dalawang malaking event na National Schools Press Conference (NSPC) at National Festival of Talent (NFOT) na gaganapin mula Marso 7 hanggang Marso 15 na may rekomendasyon na pinapayagang matuloy dahil ang mga kinatawan ay maaaring nasa byahe na o nasa lugar na ng pagdarausan. Pero gagawin umano ito kaakibat ang pag-iingat. DAHLIA S. ANIN, KIKO CUETO
198 