DUTERTE ADMIN PRAYORIDAD ANG ORDINARYONG PINOY

UUNAHIN ng administrasyong Duterte ang kapakanan ng mga ordinaryong Filipino, partikular ng mahihirap at vulnerable sectors, sa pamamagitan ng pantay na pamamahagi ng likas na yaman at oportunidad tungo sa masaganang pamumuhay.

“Patuloy po nating isusulong ang inyong kapakanan at mga karapatan. Palagi pong uunahin ni Pangulong Duterte ang mahihirap para po matulungan kayong makaahon at mabigyan kayo ng mas magandang kinabukasan, saan mang parte kayo ng bansa,” ayon kay Senator Christopher Lawrence “Bong” Go .

Binati ni Go ang mga naging benepisyaryo ng DAR mula sa munisipalidad ng Arakan at President Roxas matapos makatanggap ng Certificates of Land Ownership Award sa isang awarding event na pinangunahan ni Agrarian Reform Secretary John Castriciones, sa Arakan, North Cotabato.

Umaabot sa 4,500 ektaryang lupa na dating pag-aari ng University of Southern Mindanao at Cotabato Foundation College of Science and Technology ang ipinamahagi sa may 3,035 benepisyaryo.

“Suportahan po natin ang ating mga magsasaka at mangingisda. Tulungan natin silang malampasan ang paghihirap na dulot ng pandemya dahil ang sektor na ito ang bubuhay sa ating bansa pagkatapos ng krisis na ito,” ani Go.

Sinabi ng senador na pantay-pantay ang mga Filipino sa karapatan na magkaroon ng sariling lupa, mahirap o mayaman, kaya dapat lang aniya na ibigay sa kanila ang mga ito.

Ipinayo ng senador sa mga magsasaka na gamitin nang epektibo ang mga nasabing lupa para na rin sa kanilang kabuhayan at maging bahagi sila ng pagbibigay ng seguridad sa pagkain ng bansa.

Nangako siya na magpapatuloy sila ni Pangulong Duterte sa pagsusulong ng karapatan sa pag-aaring lupain ng mga magsasaka. (ESTONG REYES)

240

Related posts

Leave a Comment