MULING binira ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang ABS-CBN network.
Hindi kasi nagustuhan ni Pangulong Duterte ang ginawa ng may-ari ng ABS-CBN network na nagpalabas ng paumanhin subalit kalaunan ay itinanggi naman ang kanilang pagkakamali.
Sa naging talumpati ng pangulo sa Cagayan de Oro City ay inalala nito kung paano humingi ng paumahin ang ABS-CBN para sa kanilang pagkukulang noong nakaraang taon bago pa sapilitang ipatigil ang kanilang free-TV operations bunsod ng kanilang expired franchise.
“Sila pay ga-apologize. Headline, nasa front page,” ayon sa punong ehekutibo.
“Oh og di ka guilty, nganong mo-apologize ka man? Mao pud ng ABS-CBN, si Gabby [Lopez]. Naghimo siya og front page. Nangayo pud siya’g pasaylo. Ngano man? Sa ilang mga sayop. Karon, di na moangkon (Kung hindi ka guilty, bakit kailangan mong mag-apologize? Gaya rin ni ABS-CBN, Gabby. Gumawa pa ito ng headlines. Nagpalabas din siya ng apology. Bakit? Para sa kanilang pagkakamali. At ngayon ay itatanggi nila lahat),” dagdag na pahayag nito.
“They sold all their assets to the DBP (Development Bank of the Philippines). All of it – lock, stock, and barrel. They resumed business and when their business was doing well, they bought back their assets at a cheap price and sold it for a higher price,” banat pa ni Pangulong Duterte sa wikang Bisaya.
Gayunman, nilinaw ng pangulo na hindi siya kontra sa ginagawa ng ABS-CBN na pasayahin ang mamamayan sa pamamagitan ng kanilang mga programa.
Noong nakaraang buwan ay sinabi ng pangulo na ipag-uutos niya sa National Telecommunications Commission (NTC) na huwag pagkalooban ang ABS-CBN ng lisensiya para mag-operate kahit pa kaya nitong makakuha ng bagong prangkisa maliban na lamang kung magbabayad ang nasabing kompanya ng kanilang buwis matapos kumilos ang ilang mambabatas na bigyan ang naturang broadcast giant ng bagong prangkisa. (CHRISTIAN DALE)
178
