Kahit pa kaliwa’t kanan ang batikos na tinatamo ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte, hayan at may impeachment complaint pa nga, ay nananatiling popular at minamahal siya ng taumbayan.
Bakit nga ba? Ano ba ang kinaibahan niya sa mga nakaraang mga pangulo ng bansa?
Inobserbahan ko nang maigi kung papaano siya magsalita sa entablado. Mariin, mula sa puso ang mga kataga, may gigil para sa pagbabago at may hudyat ng pagsasakripisyo.
Ang dating Pangulong Ferdinand Marcos ay matalino, mahaba ring manalumpati, ngunit ang mga salita ay maaa-ring nagbibigay ng pag-asa, kapos nga lamang sa puso, kapos na madama ng mga naghihirap na mga Filipino.
Si dating Pangulong Cory Aquino naman ay nagpaka-lambot sa oligarkiya at sa kanyang termino ay may mga personalidad na nagnakaw at nang-abuso sa taumbayan.
Wala sa kanya ang pakikipaglaban para sa mga taong nakipaglaban para sa kanya mailuklok lamang siya sa Malakanyang.
Si Pangulong Fidel V. Ramos ay simpleng magsalita, optimistic, matalino at magaling, ngunit kapos ding mapalapit sa puso ng taumbayan at naging agresibo pang isa-pribado ang mga pangunahing serbisyo at government properties.
Si Joseph Estrada na paboritong aktor at beteranong public servant din naman ay tunay na pinaniwalaang mula sa masa, nakaaaliw, ngunit sa puso ng taumbayan ay kapos din. May tapang nga upang makapaglingkod ngunit wala ang gigil upang tunay na maiangat ang buhay ng mga Filipino, bagkus sa kanyang panahon ay may mga inuna rin ang pagpapa-yaman hanggang makalimutan na ang tunay na serbisyo.
Si Gloria Macapagal-Arroyo ay tunay na matalino, sa katotohanan ay marami ang naniniwalang dahil sa mga economic trouble-shooting na sinimulan noong panahon niya ay maigting na nakinabang ang sumunod na administrasyon. Masipag siya at naibandera rin namang pang-masa, ngunit kapos sa salitang maiintindihan ng ordinar-yong mamamayan at marami ring nalikhang mga halimaw at mandarambong.
Si Noynoy Aquino naman, kinapos sa sinseridad at pakikipag-kapwa, nabitin sa diwa ng pakikipagdamayan sa mga ordinaryong mga Filipino, kaya katulad ng kanyang inang pangulo rin, ay nawala ang kumpyansa ng mamamayang Filipino sa kanya. (For the Flag / ED CORDEVILLA)
