NAKALKAL sa mababang kapulungan ng Kongreso na may atraso ang malalaking negosyante sa gobyerno partikular na sa Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) na posibleng hindi nila bayaran.
Sa pagdinig nina Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, chairman ng House committee on public accounts at Bulacan Rep. Jose Sy-Alvarado, chairman ng House committee on good government, natuklasan umaabot sa P95 Billion ang utang ng malalaking negosyante sa PSALM sa pangunguna ng South Premier Power Corporation (SPPC) at Manila Electric Company.
Ang SPPC ay may atraso umano sa PSALM na aabot sa P23.9 Billion habang P14.9 Billion naman ang utang ng Meralco na pag-aari ni Manny V. Pangilinan.
“Kung nagalit si Pangulong Duterte sa mga water concessionaire sa P11 Billion, dito pa kaya na P95 Billion na ayaw bayaran ng private companies. Tiyak sasabog siya sa galit dito,” ani Defensor.
Nabatid sa nasabing pagdinig na bumili ng asset ng National Power Corporation (Napocor) ang mga pribadong kumpanya subalit nang maningil na ang PSALM sa mga ito ay tumakbo sila sa Korte Suprema.
Dahil dito, hindi makasingil ang PSALM na siyang nangangasiwa ngayon sa assets ng Napocor na isinapribado dahil sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Kabilang sa mga kumpanya na hindi umano nagbabayad sa kanilang utang sa PSALM ang Northern Renewables Generation Corporation, FDC Misamis Corporation, FDC Utilities, Inc., Good Friends Hydro Resources Corporation at iba pa.
Dahil dito, sinabi ni Defensor na ipatatawag ang mga nabanggit na kumpanya sa susunod na pagdinig at kailangang masingil umano ang mga ito dahil kung hindi ay “thank you” na ang utang na ito ng mayayamang negosyante sa sandaling mapaso na ang buhay ng PSALM sa 2026.
“Kapag malalaking kumpanya ginugulangan ang gobyerno. Nakaiirita ito sa taumbayan dahil sila ang magbabayad sa utang na ito (ng private companies),” ayon naman kay Alvarado.
Tulad ni Defensor, naniniwala si Alvarado na tiyak na ikagagalit ni Duterte ang isyung ito dahil walang ibang pinahihirapan ang mga kumpanyang ito kundi ang mga taxpayer. BERNARD TAGUINOD
