DINAKIP ang reporter ng DZRH dahil sa pag-ulat sa Manila councilor na may kasong panghahalay sa isang menor de edad.
Si DZRH reporter Misael “Boy” Gonzales Jr. ay dinakip kasunod ng reklamong inihain ni Manila Councilor Rosalino “Jun” Ibay Jr. na nahaharap sa hiwalay na kaso ng umano’y lascivious conduct sa isang 17-anyos na menor de edad.
Noong Setyembre 2025, inisyuhan ng arrest warrant ng Manila Regional Trial Court Branch 4 si Ibay kaugnay ng umano’y paglabag sa Section 5(b) ng Republic Act No. 7610, as amended by Republic Act No. 11648, na may itinakdang piyansa na ₱400,000 sa ilalim ng Criminal Case No. R MNL-25-06479-CR.
Ayon kay dating NBI Director Jaime Santiago, dinala umano ni Ibay na noo’y retiradong police colonel ang isang 17-anyos na babae sa isang motel sa Pasay City.
Sinabi rin ni Santiago na sinubukan umanong makipag-areglo ni Ibay sa mga magulang ng menor de edad, ngunit tumanggi ang pamilya.
Inaresto si Gonzales, 66 anyos, bandang alas-10:50 ng umaga ngayong Miyerkoles sa harap ng gusali ng Department of Justice sa Padre Faura Street sa Ermita, kaugnay ng reklamong inihain ni Ibay sa paglabag sa Data Privact Act.
Isinagawa ang pag-aresto ng mga operatiba ng District Police Intelligence and Operations Unit (DPIOU) ng Manila Police District.
Nagtakda ang korte ng piyansang ₱18,000 para sa kaso ni Gonzales.
Sa ibang ulat, nakatakdang maglabas ng desisyon ang tanggapan ni Pangulong Bongbong Marcos kung sususpendihin si Manila Councilor Ryan Ponce na nahaharap sa kasong sexual harassment na isinampa ng kapwa nitong konsehal.
Matatandaang kinasuhan ni Manila Councilor Eunice Castro si Ponce dahil sa paglabag sa Safe Spaces Act (RA 11313) sa ilalim ng gender-based online sexual harassment at gender-based sexual harassment in workplace, gayundin ang acts of lasciviousness, kaugnay ng umano’y mga mensahe at kilos na una na niyang ibinunyag.
95 