(Ni Riza Castillote)
GAMIT ang Smart TV at Tablet na naglalaman ng mga kasangkapang pang-edukasyon, ang e-Turo ay isang kampanya sa pagsulong sa pagpapaunlad ng edukasyon gamit ang teknolohiya.
Isa itong inisyatiba ng RYR Innovations patungo sa kaunlaran at kapakanan ng mga mag-aaral ng bansa. Ang e-Turo ay isang programang nagsusulong ng paggamit ng teknolohiya bilang kagamitan sa pagpapaganda ng karanasang estudyante sa elementarya. Naglalaman ang bawat Smart TV at Tablet ng kakayahang mag-online classes upang makapagpatuloy sa pag-aaral ang mga estudyante sa mga araw na ang face-to-face o in-person classes ay hindi posible.
Ang e-Turo Smart TV ay may kakayahan ding magsilbing digital chalkboard na pwedeng gamitin ng mga guro sa loob ng silid-aralan, o kahit na sa online classes lamang sa pamamagitan ng screen share.
Kasalukuyang tumatakbo ang programang e-Turo sa Romblon, sa tulong ni Hon. Eleandro Jesus F. Madrona.
Hangarin ng RYR na isulong pa sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas ang e-Turo upang makatulong sa mga guro at mag-aaral na nangangailangan ng suporta.
