UPANG ipakitang sinsero ang administrasyong Duterte sa pagsugpo sa mga katiwalian sa gobyerno, maging ang ilang mga kinukwestiyong proyekto sa mga lalawigan ay hindi nilulubayan ng Commission on Audit (COA).
Kasabay ito ng pagtalakay ng Kongreso sa P67-bilyong alingasngas sa paghawak sa pondo ng Department of Health bilang bahagi ng pagtugon ng pamahalaan sa kontra pandemya, hindi naman nagpabaya ang COA sa iba pa umanong anomalya sa programa ng pamahalaan.
Limang Audit Observation Memoranda mula sa COA ang hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng mga nakitang iregularidad sa implementasyon ng ilang proyektong pang imprastraktura ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya na nagkakahalaga ng P149 milyon.
Batay sa 38-pahinang joint affidavit of complaint ng NBI-Special Action Unit at ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), may nakitang paglabag sa Implementing Rules and
Regulations ng Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act laban kay Nueva Vizcaya Governor Carlos Padilla at 15 dati at kasalukuyang opisyal ng lalawigan, kaugnay ng mahabang panahon ng pagkakaantala ng mga proyektong kinabibilangan ng Nueva Vizcaya Convention Center (P88.7M), Improvement at Expansion ng Provincial Capitol Building Phase 1 at Phase 2 (P20M) at Convention Hall sa Lower Magat Eco-Tourism Park sa Diadi, Nueva Vizcaya (P40.5M).
Batay sa sertipikasyon na ipinalabas ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), lumalabas ding ang Sharysu Builders and Marketing na siyang contractor ng mga proyekto ay wala na sa talaan ng mga accredited contractor ng gobyerno mula taong 2007 dahil sa hindi nito pagre-renew ng lisensya.
Napag-alaman din ng COA na hindi pinatawan ng P1.2-milyong danyos ang contractor gayung labis na ang pagkaantala ng proyektong di pa tapos hanggang ngayon.
Inirekomenda ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban kina Nueva Vizcaya Governor Padilla at 15 iba pa, para sa mga kasong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti- Graft and Corrupt Practices Act, RA 9184 o Government Procurement Reform Act at kasong administratibo – Grave Misconduct Detrimental to the best interest of the service.
Umapela rin ang PACC sa Ombudsman na suspendihin ang gobernador sa kanyang pwesto upang hindi maimpluwesiyahan ang imbestigasyon. (FERNAN ANGELES)
232 