EDUKASYON ANG PUNDASYON: PAMUMUNO NI GOV. OYIE UMALI, DAPAT KILALANIN

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA panahong patuloy na hinaharap ng bansa ang kakulangan sa mga silid-aralan, mahalagang kilalanin ang mga lider na hindi lamang nakikiayon sa programa ng pambansang pamahalaan, kundi aktibong kumikilos upang ito’y maisakatuparan.

Isa na rito si Gov. Aurelio Oyie Matias Umali, na lumagda sa Memorandum of Agreement para sa DepEd–LGU Program na magpapabilis sa konstruksyon ng mga silid-aralan sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Ang pagkakapili sa Nueva Ecija bilang isa sa mga kwalipikadong lalawigan ay hindi simpleng pagkakataon.

Ito ay malinaw na patunay ng kahandaan at kakayahan ng Pamahalaang Panlalawigan na humawak at magpatupad ng malalaking proyektong pang-edukasyon.

Aba’y sa ilalim ng kasunduan sa Department of Education, bibigyang kapangyarihan ang mga LGU na mangasiwa sa pondo, konstruksyon, at maintenance ng mga classroom, isang hakbang na tiyak na magpapabilis sa paghahatid ng konkretong solusyon.

Kaakibat ito ng mas malawak na layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tugunan ang backlog sa mga silid-aralan sa pamamagitan ng mas episyenteng sistema ng implementasyon.

Kaya sa halip na mabinbin sa mabagal na proseso, ang direktang partisipasyon ng LGU ay magbibigay-daan sa mas mabilis, mas maayos, at mas akmang pagpapatayo ng mga pasilidad batay sa tunay na pangangailangan ng komunidad.

Ngunit higit pa sa pirma sa isang kasunduan ang ipinakita ni Gov. Umali.

Ito ay pagpapamalas ng malinaw na paninindigan na ang edukasyon ay dapat unahin.

Siyempre, sa bawat silid-aralang maitatayo, may pangarap na mabibigyan ng espasyo, may batang magkakaroon ng mas ligtas at komportableng lugar upang matuto.

Masasabi nga na ang tunay na sukatan ng pamumuno ay hindi lamang sa mga plano, kundi sa konkretong aksyon.

At sa hakbang na ito, pinatutunayan ni Gov. Oyie Umali na ang kinabukasan ng kabataang Novo Ecijano ay hindi ipinagpapaliban—ito ay kanyang isinusulong ngayon.

Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!

1

Related posts

Leave a Comment