EJ Obiena tuloy sa pagbulusok

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA

ALAM ba ninyo na si Pilipino pole vaulter ­Ernest John Obiena ay umakyat sa pangatlong puwesto na pinakamagaling sa kanyang event sa buong daigdig nang walang suporta sa pamahalaan?

Noong nakaraang linggo lamang ipinahayag ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na ibinalik na siya bilang miyembro ng pederasyon, na sinundan ng anunsyo ng Philippine Sports Commission na makatatanggap na siya muli ng suportang pinansyal bilang kasapi ng pambansang koponan. Patunay ito na kahit ­naayos na ang gusot sa pagitan ni EJ at ng PATAFA ilang buwan na ang nakalilipas, ngayon pa lamang siya muli magkakaroon ng allowance sa PSC.

Ibig din nitong sabihin, ang hindi kukulangin sa isang dosenang medalyang napanalunan niya sa paglahok sa iba’t ibang global competition, kabilang ang World Athletics Championships na ginanap sa Eugene, Oregon, USA kung saan siya nakasungkit ng bronze medal at tinanghal na ­pangatlong pinakamagaling na pole vaulter sa mundo, wala siyang natanggap ni isang kusing mula sa PSC.

Nakalulungkot isipin na ang anak nina ­dating pole vaulter Emerson at hurdler Jeanette, bagama’t lumalaban para sa bansa ay hindi pala sinusuportahan ng PATAFA at PSC. Sa kabila nito, wala tayong narinig na reklamo mula kay EJ, basta tuloy lang siya sa pagpapatunay sa mundo na magagaling ang lahing Pilipino. At ang mas nakabibilib, nang makarating sa kanya na may matatanggap siyang pabuya sa kanyang bronze medal sa Oregon, agad niyang ibinahagi ang buong halaga na P500,000 para sa noo’y nasa ospital na dating “Asia’s Sprint Queen” Lydia de Vega.

Nitong nakaraang Biyernes lamang, kahit wala pa ring allowance na natatanggap ay tinalo ni EJ sa kauna-unahang pagkakataon si Olympic at world champion Armand “Mondo” Duplantis ng

Sweden sa prestihiyosong Wanda Diamond League sa Brussels, Belgium. Pumangatlo sa torneo ang no. 2 sa mundo at Olympian na si ­Christopher Nielsen ng USA.

“A core memory,” post ni Obiena sa kanyang social media account patungkol sa ‘di malilimutang sandali ng kanyang athletic career. “Made a core memory today. First [Wanda Diamond League] win here in [Allianz Memorial van Damme] with 5.91m.”

Aminado naman si Duplantis na nagulat siya sa sinapit na kabiguan sa kamay ni Obiena. “I did a lot of things poorly technically,” sabi niya sa panayam ng Agence France Press. “It’s rare for me to jump the way I did. Maybe I needed a bit of a wake-up call. I’ve got to come back next year and do something more special for the people that came out.”

129

Related posts

Leave a Comment