KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari
SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon, ngayon lang magkakaroon ng eleksyon sa lalawigan ng Quezon na walang katunggali sa botohan ang nakaupong mataas na opisyales – Governor Angelina “Doktora Helen” Tan at Vice Governor Anacleto Alcala III. May ilang naghain din ng certificate of candidacies para sa dalawang posisyon pero hindi sila maituturing na seryosong kalaban base sa kinamulatan kong timbre ng kandidato. Pasensya na sa mga tinamaan.
Ganito rin ang sitwasyon sa Lucena City. Wala ring kilalang politiko na humahamon kay Mayor Mark Alcala at ang kanyang tatay na si Vice Mayor Dondon Alcala, na isa ring dating alkalde ng siyudad.
Iisa lang ang dahilan kung bakit walang kilalang politiko na bumangga sa tambalang Tan at Alcala at mag-amang Mark at Dondon – parehong maganda ang kanilang track record sa unang tatlong taon ng kanilang panunungkulan sa kapitolyo at city hall.
Walang anomang kontrobersya o iskandalo lalo’t higit sa larangan ng pananalapi na unang sinisilip sa sinomang opisyal ng lokal na pamahalaan. Maayos at masinop ang kanilang administrasyon.
Binibigyang buhay ni Mayor Mark ang kanyang fave slogan na “Boom Lucena!” Nakikita ng mamamayan ang pagdagsa ng malalaking negosyo sa lungsod. Bagama’t may problema sa trapiko sa loob ng siyudad, inaasahan namang magkakaroon ito ng pagbabago pagkatapos ng eleksyon.
At sa apat na congressional districts sa Quezon, tanging sa 3rd District lang may humahamon sa nanunungkulang diputado. Ang 1st, 2nd at 4th districts ay pawang “no fights” sa labanang kongresista.
##########
Kaya walang seryosong hamon sa tambalang Tan at Alcala ay dahil sa dedikasyon nila sa kani-kanilang trabaho. Sa Sangguniang Panlalawigan ay pawang makabuluhang batas ang ipinapasa kasabay sa pagpapatupad ng kapitolyo ng napapanahong mga proyekto at programa para sa kapakinabangan ng mamamayan.
Lahat ay sumasaludo sa kasipagan ni Governor Tan sa pagganap sa kanyang tungkulin bilang ina ng lalawigan. Hindi nahuhuli sa oras ng pagpasok kung siya man ay nag-oopisina sa kapitolyo.
At kung ang gobernadora man ay wala sa kanyang tanggapan, umaga pa lang ay malalaman na siya ay nasa ibang bayan at gumaganap pa rin ng kanyang tungkulin. Mapapanood siya sa live stream sa Facebook. Sa tanghali ay lilipat sa karatig na lugar at bago lumatag ang dilim ay may pupuntahan pang iba kahit na liblib na barangay. Nakikipag-ugnayan sa mga residente. Inaalam ang kanilang kalagayan at pangangailangan.
At higit sa lahat, si Governor Tan, na isang doktora sa medisina, ang siyang personal na namumuno sa grupo ng medical workers sa “Kalinga sa Mamamayan, Libreng Gamutan” medical mission sa iba’t ibang panig ng probinsya kahit Sabado at Linggo. Pagkatapos ng konsultasyon at iba pang pagsusuring medical ay nagbibigay rin ng libreng gamot at salamin sa mata sa mga malabo na ang paningin.
Maging ang anak ni Doktora Helen na si “Doc Kim” na isang medical surgeon, ay boluntaryo ring lumalahok sa panggagamot. At kung kinakailangang operahan ang may sakit at kaya naman itong gawin sa pinagdadausan ng gamutan, agad niya itong inooperahan upang hindi na ito dalhin sa ospital.
##########
Marami ang namamangha sa pataas na pagbulusok ni Governor Tan, ang kaunahang gobernadora sa lalawigan ng Quezon, sa larangan ng politika. Matapos na maglingkod ng siyam na taon bilang kongresista sa 4th district – ang una niyang karanasan sa larangan ng politika – bigla siyang sumagupa sa labanang gobernador noong 2022 election.
Tinalo niya ang re-eleksyonistang gobernador, Danilo Suarez, na isang beteranong politiko sa lalawigan. At ang mas nakagugulat ay nanalo si Governor Tan sa lahat ng 39 na bayan at 2 siyudad sa Quezon sa kabila ng katotohanan na 12 magkakasunod na taon na kontrolado ng mga Suarez ang kapitolyo – 9 sa termino ni dating Governor David “JJ” Suarez at 3 naman kay Danilo matapos niyang palitan ang kanyang anak na si JJ na ngayon ay kasalukuyang kongresista ng 2nd district.
At nitong nakaraang taon, nagtayo si Governor Tan ng local political party sa lalawigan, STAND UP Quezon (Solidarity for Transformation, Advancement, and Nationalism towards a Dynamic, United, and Progressive Quezon Province” sa layuning mas lalong bigkisin ang mga politiko sa lalawigan sa ilalim ng kanyang “HEALING” agenda para sa lahat.
Ang HEALING – “health, education, agriculture, livelihood, infrastructure, environment, tourism at good governance” – ang naging pundasyon ng pamahalaang panlalawigan nang simulan niya ang kanyang administrasyon,
Halos lahat ng mga re-eleksyonistang lokal na opisyal sa apat na sulok ng Quezon ay dala ang bandera ng STAND UP Quezon sa Mayo.
##########
Pero malungkot din pala kapag walang mga politikong naglalaban sa eleksyon. Natutulala ang mga alipores ng politiko. Nang tanungin ko ang dahilan ay iisa ang kanilang kolektibong sentimiyento – walang kumakalat na perang pang-kampanya.
Pero hindi lang sila ang nagrereklamo. Marami rin sa hanay ng mga lokal na mamamahayag ang dismayado.
Ito ang eksena sa likod ng “election no fight”.
