PINAIIMBESTIGAHAN ng Philippine National Police ang nangyaring paglikida sa isang acting election officer sa bayan ng Lope de Vega sa Catarman, Northern Samar noong Huwebes ng hapon.
Patay sa pamamaril ang 42-anyos na si James Diaz Maghanoy, acting election officer sa nabanggit na lugar.
Ayon sa Catarman PNP, isang hindi pa kilalang gunman ang bumaril kay Maghanoy sa Barangay Somoge sa Catarman noong Huwebes ng hapon.
Nangyari ang krimen bandang alas-5:00 ng hapon habang sakay si Maghanoy ng kanyang motorsiklo pauwi ng kanilang bahay.
Nagawa pang maitakbo ang biktima sa Northern Samar Provincial Hospital subalit idineklarang nalagutan ng hininga habang nilalapatan
ng lunas dahil sa tama ng punglo sa ulo at katawan.
Si Maghanoy ang unang tauhan ng Commission on Elections (Comelec) na nagbuwis ng buhay, ilang buwan bago idaos ang May national and local elections.
Kasabay sa pagkondena ng COMELEC sa umano’y karumal-dumal na pagpatay, hiniling nito sa PNP ang pagsasagawa ng malalim na imbestigasyon upang matukoy kung sino pumatay o nagpapatay sa biktima. (JESSE KABEL)
138 