Election violence umarangkada na 4 KANDIDATO PINATAY SA ALBAY AT BATANGAS

HINDI pa man ganap na nagsisimula ang takdang panahon ng pangangampanya, tatlo kataong pawang mga kandidato para konsehal sa bayan ng Donsol sa lalawigan ng Sorsogon ang natagpuang wala nang buhay sa Barangay Busay sa Daraga, Albay makaraang dukutin kahapon ng umaga.

Agad namang nagpalabas ng direktiba si PNP Regional Police Office 5 chief Brigadier General Jonnel Estomo para sa malalimang imbestigasyon matapos madakip ang kontrobersyal na whistle blower na si Peter Joemel De Leon Advincula na higit na kilala sa kanyang alyas na “Bikoy.”

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na pawang mga kandidato para konsehal sa Donsol, Sorsogon ang tatlong pumanaw na sina re-electionist Councilor Helen Advincula Garay, Karren Dela Rosa Averilla at Xavier Alim Mirasol na kapwa naghain din ng kandidatura para sa konseho ng nasabing lokalidad.

Base sa mga nakalap na impormasyon ng SAKSI NGAYON, partikular na tinututukan ng mga imbestigador ang anggulong election-related violence.

Ayon naman sa impormante, si Bikoy ay sumasailalim na sa tactical interrogation makaraang makitaan ng butas sa posibleng motibo sa likod ng pamamaslang.

Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na si Bikoy mismo ang dumulog sa himpilan pulisya kaugnay ng umano’y tatlong bangkay na kanyang natagpuan sa inuupahang pwesto sa Purok-6, sa Barangay Busay, bagay na pinagdudahan ng mga pulis na agad namang nagkasa ng sariling pagsisiyasat kung saan dalawang testigo ang nagturo mismo sa kontrobersyal na whistleblower.

Ayon pa sa pulisya, nakapagtataka rin ang hindi pagre-report agad ng suspek sa mga bangkay gayong noong makalawa pa umano nito natagpuan ang mga biktima.

Nadiskubre rin ng pulisyang mayroon din palang standing warrant of arrest ang suspek para sa kasong perjury na inihain laban sa kanya sa Manila Metropolitan Trial Court.

 

299

Related posts

Leave a Comment