ELECTIONEERING NGAYONG HOLY WEEK BABANTAYAN NG PNP

BINALAAN ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang mga kandidato sa posibleng electioneering ngayong panahon ng Semana Santa lalo na’t marami ang mag-uuwian sa mga probinsya.

Binigyang-diin ni Gen. Marbil ang posibleng pagtaas ng political activities ngayong Mahal na araw.

Sa isinagawang command conference sa Kampo Crame, inatasan niya ang mga pulis na paigtingin ang pagbabantay sa mga lugar na may aktibidad na may kaugnayan sa halalan.

Nauna nang nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato na mahigpit na ipinagbabawal ang pangangampanya sa Huwebes Santo, April 17 at Biyernes Santo, April 18.

Ipinag-utos din ni Marbil ang patuloy na paggamit ng body-worn cameras o alternative recording devices sa checkpoints at chokepoints para sa transparency at seguridad.

Paalala pa ng hepe ng pambansang pulisya sa mga pulis na manatiling apolitical kasunod ng mga ulat na may ilang pulis na umano’y nasasangkot sa partisan activities.

Magtatagal ang panahon ng kampanya para sa 2025 midterm elections hanggang sa Mayo 10.

(TOTO NABAJA)

8

Related posts

Leave a Comment